RIZAL, Philippines – Arestado ang isang 22-anyos na lalaki sa Rodriguez, Rizal noong madaling araw ng Hunyo 15 matapos umanong magnakaw ng motorsiklo sa Quezon City.
Ayon sa pulisya, ang biktima na isang 34-anyos na foreman ay nag-ulat na nawawala ang kanyang Honda Click 125 matapos niya itong iparada sa Quezon City noong Hunyo 10 na may nakasaksak pang susi.
Makikita sa CCTV na naglibot muna ang suspek bago kunin ang motorsiklo at tumakas matapos umanong manghiram ng helmet sa lugar.
Natunton ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa tulong ng CCTV footage at impormasyon mula sa kanyang mga kamag-anak sa Barangay Tatalon. Sila rin ang nagturo sa kanyang kinaroroonan sa Rizal.
Ayon sa pulisya, inaresto si alyas “Joey” bandang 4:30 a.m. sa kanyang bahay.
Hindi pa nababawi ang motorsiklong umano’y naibenta sa halagang ₱14,000.
Sa imbestigasyon, inamin ng suspek ang krimen at sinabing dahil sa kahirapan kaya niya ito ginawa at ginamit ang pera sa pagkain at pang-araw-araw na gastusin.
Kakasuhan siya ng paglabag sa New Anti-Carnapping Act habang patuloy ang operasyon para mabawi ang motorsiklo. RNT/MND