Home NATIONWIDE Marcos bukas sa Visiting Forces Agreement sa Germany

Marcos bukas sa Visiting Forces Agreement sa Germany

3
0

MANILA, Philippines – BUKAS ang Pilipinas sa posibilidad ng isang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Germany bilang bahagi ng pagpapalawak ng ugnayan sa larangan ng depensa at seguridad sa gitna ng nagbabagong sitwasyong heopolitikal sa buong mundo.

Sa isang panayam matapos ang kanyang bilateral meeting kay German Federal President Frank-Walter Steinmeier, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes na bukas ang gobyerno sa pakikipag-ugnayan sa Germany, partikular sa usapin ng militar, depensa, at seguridad.

“Bakit hindi? Sa katunayan, malayo pa tayo sa posibilidad na iyon. Gayunpaman, patuloy nating pinaiigting ang ating pakikipag-ugnayan, lalo na sa usapin ng militar, depensa, at seguridad,” ayon sa Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na bagama’t wala pang agarang plano para sa isang VFA sa Germany, handa ang Pilipinas na pag-aralan at tanggapin ang anumang kasunduan kapag napagpasyahan ito ng dalawang bansa.

“Sa gitna ng umiiral na pabago-bagong kalagayan ng geopolitical na sitwasyon sa mundo, ang pinakamainam na landas tungo sa katatagan ay ang pagkakaroon ng mga matibay na ugnayan at malawak na hanay ng mga alyansa. Sapagkat wala nang iisang bansa lamang ang kayang mag-impluwensiya, magbago, o magtakda ng direksiyon ng takbo ng mundo,” anito.

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagpapalawak ng mga pakikipag-alyansa sa harap ng umiigting na mga hamong pandaigdig.

Mahalaga rin, ayon kay Pangulong Marcos, ang multilateralismo, at sinabing ipinakita ng pandemya ng COVID-19 kung gaano na kalalim ang pagkakaugnay-ugnay ng mga bansa at kung gaano kabilis naaapektuhan ang buong mundo kapag may krisis.

“Napakalalim na ng pagkakaugnay-ugnay ng mundo. Napatunayan natin ito noon, sa panahon ng COVID, na, sa palagay ko, ay unang malinaw na nagpakita ng ganitong realidad. Nakita natin kung gaano kabilis naaapektuhan at nahihirapang umusad ang buong mundo kapag may problemang tulad nito,” dagdag pa ng Pangulo. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here