Home HOME BANNER STORY 455th anniversary: #WalangPasok sa Maynila sa Hunyo 24

455th anniversary: #WalangPasok sa Maynila sa Hunyo 24

1
0

MANILA, Philippines – IDINEKLARANG special non-working day ang Hunyo 24, 2026 sa Lungsod ng Maynila bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-455 anibersaryo ng pagkakatatag ng kabisera ng bansa.

Batay sa proklamasyong inilabas ng Malacañang, nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto, sa kapangyarihang ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang deklarasyon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga residente na ganap na makalahok sa mga aktibidad at selebrasyon ng lungsod.

Kasabay ng pagdiriwang, inaasahang magbibigay si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng kanyang State of the City Address (SOCA) sa Quirino Grandstand, kung saan ilalatag niya ang mga naging programa, proyekto, at mga nakamit ng pamahalaang lungsod sa unang taon ng kanyang administrasyon sa ilalim ng “Bilis Kilos 2.0.”

Inaasahang dadagsa ang mga Manileño sa iba’t ibang aktibidad na inihanda ng lokal na pamahalaan bilang bahagi ng makasaysayang paggunita sa pagkakatatag ng lungsod noong 1571.

Ayon sa Malacañang, layunin ng deklarasyon na mabigyan ng sapat na panahon ang mga mamamayan upang makiisa sa mga pagdiriwang at gunitain ang mahalagang papel ng Maynila sa kasaysayan ng bansa.

Ang ika-455 anibersaryo ng Maynila ay inaasahang magsisilbing pagkakataon hindi lamang upang balikan ang mayamang kasaysayan ng lungsod kundi upang kilalanin rin ang mga pagbabago at pag-unlad na isinusulong ng kasalukuyang pamunuan para sa kapakanan ng mga residente.

JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here