RIZAL – Tatlo katao ang nasawi habang dalawa ang sugatan matapos araruhin ng isang closed van ang mga nasa gilid ng kalsada sa C6 Road, Barangay Santa Ana, Taytay, Rizal noong Lunes. Nakaidlip umano ang driver bago naganap ang insidente.
Ayon sa pulisya, limang katao ang nabangga ng van matapos itong mawalan ng kontrol. Tatlo sa mga biktima ang nasawi habang dalawang iba pa ang isinugod sa ospital dahil sa tinamong mga sugat.
“Pagdating ng ambulance namin ay nakita nila na may nakahandusay na dalawang lalaki sa tabi ng C6. Tapos ang sa ilalim ng van, may dalawang lalaki nakahandusay din doon. Wala nang buhay. Tapos nakita namin na duguan na,” ayon kay Eva Regis, controller ng ambulance ng Barangay Sta. Ana.
Sinabi ni Police Corporal Mackenray Villarazo, Investigator ng Taytay Police, na apat sa mga biktima ang nasa gilid ng kalsada at may kinakalas na kagamitan para ibenta sa junk shop nang mangyari ang aksidente.
“’Yung apat na biktima ay nandu’n sa may gutter at merong kinakalas na bagay para ibenta du’n sa junk shop. At ‘yung panglimang biktima, nandu’n din sa tapat ng junk shop pero nakaiwas siya dahil nakita niya ‘yung truck na paparating na sobrang bilis,” sabi ni Villarazo.
Nadamay rin sa insidente ang isang bahay at dalawang katabing tindahan.
Lumitaw sa imbestigasyon na nagmula sa Quezon City ang closed van at magde-deliver sana ng mga produkto sa isang grocery store sa Barangay Santa Ana nang maganap ang aksidente. Ayon sa driver, nakaidlip umano siya habang nagmamaneho kaya nawalan ng kontrol ang sasakyan.
“Pero pagdating doon sa lugar ng pinangyarihan, base sa kaniya, nakaidlip siya. Kaya nawalan ng kontrol, sumagasa siya du’n sa gilid ng kalsada, sa may gutter,” dagdag ni Villarazo.
Ligtas ang pahinante habang nadakip ang 41-anyos na driver. Nakadetene siya sa custodial facility ng Taytay Police at haharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.
“Hindi muna ako magbibigay ng impormasyon. Humihingi po ako sa kanila ng tawad,” sabi ng driver. Mary Anne Sapico