MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ng Malakanyang ang agarang imbestigasyon hinggil sa viral na post ng asawa ng isang pasyente at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) member na nasawi bago pa man mailipat sa ibang ospital upang maoperahan.
Sa nasabing viral na post, ibinahagi ng biyudang si Maria Lourdes Sulit na nasawi ang kaniyang mister na si Marvin Sulit noong Huwebes, Hunyo 4, nang hindi nagamit ang mga benepisyong kaniyang binayaran at pinagtrabahuhan sa loob ng mahigit 25 taon.
“I was only asking for the benefits that my husband spent more than 25 years contributing to. He was a lifelong member. He paid faithfully throughout his working years. The hospital denied him treatment because we could not immediately produce the required amount. Then, after his death, #PhilHealth denied him benefits because he had been confined for less than 24 hours,” saad ni Maria sa kaniyang post noong Sabado, Hunyo 13.
“My husband had died. I was grieving. Yet all I heard were explanations about policies and payments,” dagdag pa niya.
“So, sa ganitong pagkakataon po, talaga pong dapat paimbestigahan at tayo rin po ay nagsasabi na rin sa lahat ng mga taga-PhilHealth, kung sinuman iyong mga PhilHealth staff o naka-assign sa mga ospital o sinuman ang nagpo-process ng mga benepisyo ng mga kababayan natin, sana po ay maging aware kayo sa lahat ng mga coverage para po maibigay ninyo ang tamang impormasyon sa ating mga kababayan dahil kung mali po ang maibibigay ninyong impormasyon, maaari po itong makaapekto at makadanyos sa ating mga kababayan,” ang naging komento ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Kazan, Russia.
“So, titingnan po natin. Hindi pa po natin alam kung sino ang may pagkakamali rito, pero ipinag-uutos po ang tama at masusing pag-iimbestiga rito dahil hindi po ito dapat maulit kung totoo na PhilHealth staff ang nagkaroon ng pagkakasala rito,” aniya pa rin.
Samantala, naglabas ng pahayag ang PhilHealth kaugnay ng nag-viral na post ng isang miyembro nito na nagrereklamo matapos umanong tanggihan na bigyan ng benepisyo ang kanyang yumaong asawa.
Batay sa viral post ni Maria Lourdes Sulit, umabot sa P200,000 ang hospital bill ng kanyang asawa at sinasabing hindi na-qualify sa ilang benepisyo ang pasyente dahil wala umanong 24-hour confinement.
Sinabi ng PhilHealth na agad silang kumilos, nakipag-ugnayan sa pamilya ng miyembro, at nakikipag-ugnayan na rin sa mga ospital upang masuri ang pangyayari at makapagbigay ng posibleng tulong.
Patuloy din ang imbestigasyon at pagsusuri ng ahensya sa kaso bilang bahagi ng pagpapabuti ng serbisyo nito sa mga miyembro. Kris Jose