MANILA, Philippines — Maaari nang gamitin ng mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang guarantee letters (GLs) upang makakuha ng mga gamot sa 238 Generika Drugstores sa buong bansa.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao, makatutulong ang hakbang upang mas mapadali ang pagkuha ng mga inireseta at maintenance medicines ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ang guarantee letter ay dokumentong iniisyu ng DSWD bilang katiyakan ng pagbabayad para sa aprubadong tulong, kabilang ang mga pangangailangang medikal. Maaari itong gamitin para sa mga gamot na kabilang sa Actimed Generics line ng Generika Drugstore.
Pinayuhan ng DSWD ang mga benepisyaryo na hanapin ang mga sangay na may karatulang “DSWD Guarantee Letter is accepted here.”
Sinabi rin ni Dumlao na patuloy na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa iba pang pharmaceutical companies upang madagdagan pa ang mga botikang tumatanggap ng DSWD-issued guarantee letters.
“Bukod po sa Generika Drugstores, patuloy ang DSWD na nakikipag-ugnayan sa iba pang mga pharmaceutical companies para mas marami pang mga Pilipino ang matulungan ng ating pamahalaan na matugunan ang kanilang mga medical requirements,” ani Dumlao.
Maaaring makipag-ugnayan o bumisita ang mga kliyente sa pinakamalapit na DSWD Field Office para sa kumpletong listahan ng mga kalahok na sangay ng Generika Drugstore. Santi Celario