Home NATIONWIDE Social media user identity sa Pinas, umabot sa 95.8M — ulat

Social media user identity sa Pinas, umabot sa 95.8M — ulat

2
0

MANILA, Philippines — Umabot sa 95.8 milyong social media user identities sa Pilipinas noong Oktubre 2025 matapos madagdagan ng 9 milyon sa loob lamang ng isang taon, ayon sa Digital 2026 Philippines report ng DataReportal.

Batay sa ulat na inilahad ng Meltwater nitong Miyerkules, tumaas ng 10.3 porsiyento ang bilang ng social media user identities kumpara sa nakaraang taon, ang pinakamabilis na paglago sa mga pangunahing digital indicators ng bansa. Katumbas ito ng 81.9 porsiyento ng tinatayang 117 milyong populasyon ng Pilipinas.

Mas mabilis ang paglago ng social media user identities kumpara sa bilang ng internet users at mobile connections. Umakyat sa 98 milyon ang internet users o pagtaas na 789,000 katao o 0.8 porsiyento, habang lumobo sa 137 milyon ang cellular mobile connections matapos madagdagan ng 4 milyon o 3 porsiyento.

Ayon sa ulat, nananatiling mahalagang bahagi ng araw-araw na buhay ng mga Pilipino ang social media bilang plataporma para sa komunikasyon, libangan, negosyo, pagkuha ng balita, at pakikilahok sa komunidad.

Gayunman, nilinaw ng DataReportal na ang social media user identities ay hindi nangangahulugang katumbas ng bilang ng indibidwal na gumagamit ng social media dahil maraming gumagamit ng higit sa isang account, habang ang ilan ay pag-aari ng mga negosyo, organisasyon, brand, at iba pang non-human entities.

Ipinakita rin ng ulat na mas mataas pa rin sa pandaigdigang average ang internet adoption sa Pilipinas, kung saan 83.8 porsiyento ng mga Pilipino ang online kumpara sa global average na 73.2 porsiyento.

Samantala, umabot sa 137 milyong cellular mobile connections ang naitala sa bansa, katumbas ng 117 porsiyento ng kabuuang populasyon, na nagpapakitang marami ang may higit sa isang mobile subscription o SIM card.

Tinatayang nasa 117 milyon ang populasyon ng Pilipinas noong Oktubre 2025, kung saan 49.1 porsiyento ang naninirahan sa urban areas. Lumago rin ang populasyon ng humigit-kumulang 942,000 katao o 0.8 porsiyento sa nakalipas na taon.

Pinagsama-sama ng DataReportal ang datos mula sa mga ahensya ng gobyerno, telecommunications companies, internet platforms, research organizations, at analytics firms. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here