MANILA, Philippines — Bahagyang bumaba ang antas ng food insecurity sa bansa noong 2025, ngunit tatlo pa rin sa bawat sampung Pilipino ang walang sapat at maaasahang access sa ligtas at masustansyang pagkain, ayon sa Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Batay sa 2025 Updating of the Nutritional Status of Filipino Children and Other Population Groups, bumaba nang bahagya ang moderate to severe food insecurity mula 33 porsiyento noong 2023 tungo sa 32.6 porsiyento noong 2025.
Naitala ang pinakamataas na antas ng food insecurity sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 60.4 porsiyento, sinundan ng SOCCSKSARGEN na may 44 porsiyento at Eastern Visayas na may 43.8 porsiyento.
Mas laganap din ang food insecurity sa mga pamilyang may mahigit limang miyembro, mga residente sa kanayunan, at mga pinakamahihirap na sambahayan.
Ipinakita rin ng survey na 2.9 porsiyento ng mga Pilipino ang nakararanas ng severe food insecurity o ang hindi pagkain sa loob ng isang araw o higit pa. Samantala, ang moderate food insecurity ay tumutukoy sa limitadong access sa pagkain at paminsan-minsang paglaktaw ng pagkain.
Upang makayanan ang kakulangan sa pagkain, 64.9 porsiyento ng mga apektadong sambahayan ang bumibili ng pagkain sa utang, habang 59 porsiyento ang nagtatanim o nangangalap ng sariling pagkain. Kabilang din sa mga karaniwang paraan ang panghihiram ng pagkain sa kamag-anak o kaibigan (56.5%), pangangalap ng pagkain sa paligid (46.4%), at paghingi ng pagkain sa mga kamag-anak o kaibigan (43.1%).
Sa mga non-food coping strategies, nanguna ang pangungutang sa kamag-anak sa 68.6 porsiyento, sinundan ng paghahanap ng sideline o karagdagang trabaho (64%), pangungutang sa kaibigan (48.3%), paghingi ng pinansyal na tulong sa kamag-anak o kaibigan (39.2%), at paglipat ng lugar upang maghanap ng trabaho (27.1%).
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., mahalagang tugunan ang kahirapan at palakasin ang kabuhayan upang mapabuti ang food security sa bansa.
“I think beyond feeding, yung livelihood talaga ang kailangan nating palaguin,” ani Solidum.
Samantala, sinabi ni DOST-FNRI chief science research specialist Mildred Guirindola na kalahati ng mga kaso ng food insecurity ay matatagpuan sa urban areas at mahalagang mapalawak ang kaalaman sa wastong nutrisyon at pagkakaroon ng access sa masustansyang pagkain.
Isinasagawa ang survey kada dalawa hanggang tatlong taon bilang bahagi ng pagsubaybay sa mga layunin ng bansa para sa nutrisyon at kalusugan. Santi Celario