MANILA, Philippines — Malugod na tinanggap ng mga lider ng Kamara ang pormal na pagkahalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President at nagpahayag ng kumpiyansa na magpapatuloy ang matibay na ugnayan ng Senado at Kamara sa pagsusulong ng mahahalagang panukala at reporma.
Sa isang pahayag, binati ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III si Gatchalian at sinabi na mahalagang manatiling nakatuon ang Kongreso sa mga programang magpapalago sa ekonomiya, magpapahusay sa serbisyo publiko at makatutulong sa mga Pilipino.
“The House of Representatives congratulates Senator Sherwin Gatchalian on his formal election as Senate President,” ani Dy.
Iginiit niya na nananatiling handa ang Kamara na makipagtulungan sa Senado para maisulong ang mga prayoridad na panukala at reporma.
“The House remains committed to working with the Senate in advancing priority legislation, strengthening the economy, and delivering meaningful reforms that benefit our people,” dagdag niya.
Ayon kay Dy, naging mahalaga ang pagtutulungan ng dalawang kapulungan sa pagsusulong ng mga panukalang nagpapalawak ng oportunidad sa ekonomiya, nagpapabuti sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan, at nagpapalakas sa mga programang panlipunan.
“Ang mahalaga ay manatiling nakatuon ang Kongreso sa mga panukalang makatutulong sa ating mga kababayan. Kapag nagtutulungan ang dalawang kapulungan, mas mabilis nating naihahatid ang mga repormang kailangan ng sambayanan.”
Umaasa rin si Dy na magpapatuloy ang maayos at produktibong ugnayan ng Kamara at Senado sa ilalim ng liderato ni Gatchalian.
Samantala, sinabi ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na ang pagkahalal ni Gatchalian ay magbibigay-daan upang makausad ang Senado mula sa isyu ng liderato at makapagpokus muli sa mga nakabinbing trabaho.
“On behalf of the House, we would like to congratulate Senate President Sherwin Gatchalian. We look forward to working with him,” ani Marcos.
Inilarawan niya si Gatchalian bilang isang “level-headed” na lider na makatutulong upang maibalik ang katatagan at pokus sa Senado.
“I have worked with him and I know how level-headed he can be. So, I think that’s exactly what this current political climate needs, especially there in the Senate, level-headedness and just the need for all of us to really get back to work,” aniya.
Dagdag pa niya, marami pang kailangang aksyunan ng Kongreso sa panahon ng special session, kabilang ang ratipikasyon ng ilang bicameral conference committee reports at pagkumpirma ng Commission on Appointments sa mga nakabinbing appointment at promosyon sa militar.
Ayon kay Marcos, naantala ang pagkumpirma sa ilang opisyal ng militar dahil sa naging tunggalian sa liderato ng Senado.
“I believe it’s the seven or eight, the generals who were due for promotion but as a result of the leadership struggle in the Senate, were not able to be confirmed, so that is what we are waiting for now,” aniya. RNT