MANILA, Philippines — Nanawagan si bagong halal na Senate President Sherwin Gatchalian sa mga senador ng mayorya at minorya na magkaisa at magtulungan para sa kapakanan ng mamamayan matapos ang ilang linggong sigalot sa liderato ng Senado.
Sa kanyang acceptance speech sa special session nitong Miyerkules, nangako si Gatchalian na pamumunuan ang Senado nang may kababaang-loob at buong pananagutan.
“Ngayong araw, nananawagan ako sa lahat ng aking kasamahan sa Senado—mayorya man o minorya—na magsimula tayong muli, magkaisa sa paglilingkod, at harapin nang sama-sama ang mga hamon ng ating bansa,” aniya.
“Maaaring magkakaiba ang ating mga pananaw, ngunit iisa ang ating misyon—ipagtanggol ang batas at maglingkod sa bayan. Iisa ang ating layunin: alagaan ang kapakanan ng bawat Pilipino,” dagdag niya.
Pinasalamatan din ni Gatchalian ang kanyang mga kapwa senador sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya bilang pinuno ng Senado.
“Tinatanggap ko ang tungkuling ito nang may buong kababaang-loob at malinaw na pagkaunawa sa bigat ng responsibilidad na kaakibat nito. Humaharap ako sa inyo bilang kapwa lingkod-bayan. Handa akong makinig, makipagtulungan, at ibuhos ang aking buong lakas upang gampanan ang tungkuling ipinagkatiwala sa akin,” ani Gatchalian.
Binigyang-diin niya na ang pagiging Senate President ay hindi lamang karangalan kundi isang pananagutan sa Senado, sa Saligang Batas, at sa sambayanang Pilipino.
Samantala, kinilala rin ng ilang miyembro ng minority bloc ang liderato ni Gatchalian.
Binati ni Senadora Loren Legarda si Gatchalian at inilarawan bilang “a hardworking, dedicated, brilliant, disciplined public servant.”
Ayon naman kay Senadora Imee Marcos, wala siyang pagtutol sa pagbabago ng liderato dahil nakuha ng mayorya ang kinakailangang bilang ng boto.
“Simula’t sapul, malinaw naman sa akin at sa ilan nating kasamahan, kung may sapat na boto, maaari ninyong baguhin ang liderato sa Senado. Ngayong may sapat na boto sila, wala ng gulo,” ani Marcos.
Ipinahayag din ni Senadora Pia Cayetano na walang isyu kung nasunod ang Konstitusyon at mga tuntunin ng Senado.
“May 13 ‘di ba? Common sense ‘di ba? What’s in the rules? What’s in the Constitution? When you have 13, ‘yun lang. So, kung hindi sumunod sa rules, doon lang naman kami may problema. Pero ‘pag sumunod sa Constitution at sa rules, no problem. That’s how it is,” aniya. RNT