MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang panukalang ₱241 bilyong pondo para sa iba’t ibang programa ng ayuda at ₱54 bilyon para sa pagtatayo ng 3,950 multipurpose buildings (MPB) sa 2027 national budget, na aniya’y hindi direktang makatutulong sa pagpapasigla ng ekonomiya.
Sa plenary deliberations ng Senado nitong Lunes, Nobyembre 23, iginiit ni Lacson na dapat ilipat ang paggasta ng pamahalaan sa mga programang may direktang ambag sa paglago ng ekonomiya sa halip na mga proyektong tinawag niyang patronage o “papogi spending.”
Bukod sa 3,950 MPB na may nakalaang ₱54 bilyon, tinukoy rin niya ang 1,584 pang multipurpose buildings sa ilalim ng Financial Assistance to Local Government Units subprogram ng Local Government Support Fund (LGSF).
Ayon kay Lacson, umabot na sa ₱770.9 bilyon ang nagastos ng pamahalaan sa 79,816 multipurpose buildings sa iba’t ibang programa sa nakalipas na 12 hanggang 14 na taon.
Kinuwestiyon din niya ang panukalang ₱241 bilyong fragmented ayuda na hiwalay sa mga umiiral na social protection program gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Universal Health Care (UHC).
“Anong gawin natin to save this country? Tanggalin na muna natin mga ayuda. Tanggalin na muna natin mga hindi growth-oriented na investment sa budget,” ani Lacson.
Tinukoy rin ng senador ang hindi bababa sa 30 multipurpose building projects na umano’y may kahina-hinalang alokasyon.
Kabilang dito ang isang proyekto sa Pangasinan na ayon kay Lacson ay nakatanggap na ng pondo noong 2024, 2025 at 2026, ngunit wala pa ring naitayong istruktura sa lugar. Muli rin umano itong may nakalaang pondo sa panukalang 2027 budget.
Iminungkahi rin ni Lacson na isama na lamang sa UHC program ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) upang maiwasan ang magkakahiwalay na mekanismo ng pagbibigay ng tulong medikal.
Samantala, ipinagtanggol ni Senate Finance Committee Chair JV Ejercito ang paglalaan ng pondo sa mga construction project, dahil maaari umanong makapagpasigla ang mga ito sa lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng paglikha ng trabaho at pagpapalago ng mga kaugnay na negosyo.
Sinabi rin ni Ejercito na muling susuriin ang mga proyektong na-flag ni Lacson at aalisin ang mga ito sa panukalang budget kung mapatunayang may anomalya o kulang sa kinakailangang dokumentasyon.
Sa halip na ilang lump-sum assistance, itinulak din ni Lacson ang pagpapalaki sa Growth Equity Fund (GEF), na nagbibigay ng suporta sa mga fourth- at fifth-class municipality.
Sa bersiyon ng Senado, bumaba sa ₱8.7 bilyon ang pondo ng GEF mula sa ₱10.3 bilyong nakasaad sa National Expenditure Program at bersiyon ng Kamara.
Patuloy ang plenary deliberations ng Senado bago pagtibayin ang bersiyon nito ng 2027 national budget. RNT