Home METRO Hepe ng pulisya sa Lanao del Sur, pinagbabaril sa Kidapawan

Hepe ng pulisya sa Lanao del Sur, pinagbabaril sa Kidapawan

1
0

MANILA, Philippines – Patay ang hepe ng pulisya ng Bubong, Lanao del Sur matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng kanyang tinutuluyang boarding house sa Kidapawan City, Cotabato, nitong Lunes, Nobyembre 23.

Kinilala ang biktima na si Police Major Razul Guimbangan Pandulo, na nagtamo ng maraming tama ng bala sa pamamaril na naganap dakong alas-4:30 ng hapon sa Bolong Subdivision, Barangay Poblacion.

Kinumpirma ni Cotabato Police Provincial Director Police Col. Ramel Hojilla na idineklarang dead on arrival si Pandulo matapos isugod sa isang lokal na ospital.

Batay sa paunang imbestigasyon, dalawang armadong lalaki na sakay ng itim na Bajaj motorcycle ang nagsagawa ng pamamaril.

Ayon sa mga saksi, nakasuot ng bonnet ang mga suspek, habang berde at itim naman ang kulay ng kanilang mga damit.

Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos ang insidente.

Naglunsad na ng manhunt operation ang Kidapawan City Police upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa pagpatay.

Nagsasagawa rin ng crime scene investigation ang mga awtoridad upang makakalap ng karagdagang ebidensiya.

Sa ngayon, wala pang natutukoy na motibo sa pamamaslang sa opisyal. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here