Home NATIONWIDE MANIBELA, pinalawig transport strike ‘gang Nob. 25

MANIBELA, pinalawig transport strike ‘gang Nob. 25

2
0

MANILA, Philippines – Pinalawig ng transport group na MANIBELA hanggang Miyerkules, Nobyembre 25, ang kanilang tigil-pasada bilang protesta sa umano’y korapsyon at mga iregularidad sa Land Transportation Office (LTO).

Kinumpirma ni MANIBELA chairperson Mar Valbuena nitong Martes, Nobyembre 24, na magpapatuloy sa ikatlong araw ang kanilang pagkilos at hindi muna bibiyahe ang mga kasaping jeepney driver na lumalahok sa protesta.

Sa isang video na inilathala sa Facebook page ng grupo, sinabi ni Valbuena na magpapatuloy ang kanilang pagkilos upang maiparating sa pamahalaan ang mga hinaing ng sektor ng transportasyon.

Nagsimula ang tigil-pasada noong Lunes, Nobyembre 23, bilang pagtutol sa napaulat na planong pagpapalit sa pamunuan ng LTO, partikular kay Assistant Secretary Markus Lacanilao.

Nangangamba ang grupo na maaaring makabalik sa ahensya ang mga dating opisyal na umano’y nasangkot sa korapsyon.

Kabilang sa mga kinukuwestiyon ng MANIBELA ang mga transaksiyong may kaugnayan sa Dermalog at Paynamics, gayundin ang mga alegasyon ng labis na paniningil, kickback at payola.

Nitong Martes, nagtipon ang mga miyembro ng grupo sa Nagtahan, Maynila, malapit sa Malacañang, upang iparating ang kanilang mga hinaing kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nakatakda rin silang magmartsa patungo sa tanggapan ng LTO upang ipagpatuloy ang protesta.

Nauna nang nakipagpulong si Valbuena kina Transportation Secretary Vince Dizon at Lacanilao upang talakayin ang mga usapin sa pamunuan ng ahensya.

Tiniyak ni Dizon na hindi niya papayagang makabalik sa LTO ang mga tauhang tinanggal dahil sa korapsyon. Gayunman, sinabi niyang ang desisyon sa pagpapalit ng liderato ay nakasalalay sa Pangulo.

Samantala, nagtalaga ang Manila Police District (MPD) ng mga sasakyang magbibigay ng libreng sakay sa mga komyuter na apektado ng tigil-pasada.

Ayon naman sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Department, wala pang malaking epekto sa transportasyon sa lungsod ang ikalawang araw ng strike dahil sapat pa rin ang bilang ng mga pampublikong sasakyang bumibiyahe sa mga apektadong ruta.

Inaasahang magpapatuloy ang protesta sa Miyerkules habang hinihintay ng MANIBELA ang tugon ng pamahalaan sa kanilang mga hinaing. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here