Home HOME BANNER STORY Romualdez, kapwa akusado ‘di pa absuwelto – Clavano

Romualdez, kapwa akusado ‘di pa absuwelto – Clavano

3
0

MANILA, Philippines – Hindi pa awtomatikong ligtas sa kasong plunder si Felicito Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corporation at kapwa akusado ni dating House Speaker Martin Romualdez, sa kabila ng pagsasauli ng ₱343 milyon at pagkakaloob sa kanya ng conditional immunity.

Nilinaw ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na may mga kondisyong kailangang sundin si Guevarra upang mapanatili ang proteksiyon laban sa criminal prosecution.

Sa isang panayam, sinabi ni Clavano na kinakailangang tumestigo si Guevarra sa korte, manatili sa Pilipinas at ganap na makipagtulungan sa imbestigasyon.

Maaari ring magkaroon ng seryosong legal na konsekuwensiya kung hindi niya tutuparin ang mga napagkasunduang kondisyon.

Nahaharap si Guevarra sa kasong plunder sa Sandiganbayan Third Division kaugnay ng umano’y ₱7.4-bilyong kickback scheme sa mga proyekto ng pamahalaan na iniuugnay kina Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Nauna nang sumuko si Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre 19 at pinagkalooban ng Ombudsman ng conditional immunity matapos magbigay ng salaysay at mangakong makikipagtulungan sa prosekusyon.

Ibinalik din niya ang ₱343 milyon na umano’y kinita mula sa mga kuwestiyonableng transaksiyon, na itinuring ni Clavano na pagpapakita ng mabuting intensiyon sa pakikipagtulungan.

Ayon sa Ombudsman, mahalaga ang testimonya ni Guevarra upang mas malinaw na matukoy ang daloy ng perang sangkot sa umano’y kickback scheme.

Partikular na nais ng prosekusyon na maipaliwanag ang mga transaksiyong isinagawa sa pamamagitan ng money exchange company, kung saan malaking bahagi ng mga transaksiyon ay gumagamit ng cash.

Nilinaw din ni Clavano na magkaiba ang impormasyong maibibigay nina Guevarra at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, kaya maaari pang makadagdag sa ebidensiya ng prosekusyon ang testimonya ng negosyante.

Samantala, nakabinbin pa sa Sandiganbayan ang mosyon ng prosekusyon na alisin si Guevarra bilang akusado upang maiharap siya bilang testigo.

Tinutulan naman ng kampo ni Romualdez ang naturang hakbang, na maaari umanong makaapekto sa karapatan ng kanilang kliyente sa patas na paglilitis.

Inilipat ng Sandiganbayan sa Disyembre 4 ang susunod na pagdinig upang magkaroon ng sapat na panahon sa pagsusuri ng mga nakabinbing mosyon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here