MANILA, Philippines – Mahigit dumoble ang bilang ng mga barko ng China na namataan sa West Philippine Sea (WPS) kasunod ng pagdaraos ng ASEAN Summit 2026 sa Pilipinas, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa pinakahuling monitoring ng militar mula Nobyembre 17 hanggang 23, umabot sa 48 ang Chinese vessels na naitala sa karagatang saklaw ng pagbabantay ng Pilipinas.
Mas mataas ito ng 29 barko kumpara sa 19 na namonitor noong Nobyembre 9 hanggang 16, na sumabay sa pagsisimula ng ASEAN Summit.
Sinabi ni AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad sa isang panayam na kapansin-pansing mas kaunti ang mga barkong ipinuwesto ng China sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas noong panahon ng ASEAN Summit.
Gayunman, muling tumaas ang bilang ng mga namataang barko sa sumunod na monitoring period.
Ayon kay Trinidad, nagpapatuloy ang pagbabantay ng Pilipinas sa mga dayuhang sasakyang pandagat gamit ang sea-based, air-based, land-based at space-based monitoring capabilities ng militar.
Malaking tulong din umano ang mga lokal na mangingisda at marinong Pilipino na nagbibigay ng mga larawan, video at ulat tungkol sa paggalaw ng mga dayuhang barko.
Dahil dito, mas mabilis na natutukoy ng militar ang presensiya ng mga dayuhang sasakyang pandagat sa mga karagatang binabantayan ng Pilipinas.
Patuloy ang tensiyon sa West Philippine Sea dahil sa malawakang pag-angkin ng China sa South China Sea, kabilang ang mga lugar na saklaw ng EEZ ng Pilipinas.
Noong 2016, pinawalang-bisa ng isang arbitral tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang legal na batayan ng malawakang pag-angkin ng China sa historic rights sa loob ng tinatawag nitong nine-dash line.
Gayunman, patuloy na tinatanggihan ng Beijing ang naturang arbitral ruling. Dave Medina