MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta ang mga senador ng minority bloc sa bagong liderato ng Senado sa pangunguna ni Senate President Sherwin Gatchalian sa gitna ng pagdalo nila sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkules, sa kabila ng hindi nila pagdalo sa special session noong umaga.
Dumalo si Senador Rodante Marcoleta sa pagdinig ng CA at nakipagkamay kina Gatchalian, Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri at Senador Raffy Tulfo. Aniya, ginagampanan lamang niya ang kanyang tungkuling nakasaad sa Konstitusyon.
Samantala, sinabi ni Senador Joel Villanueva, na lumipat mula sa kampo ni dating Senate President Alan Peter Cayetano patungo sa bloc ni Gatchalian, na trabaho ang naging pangunahing konsiderasyon niya.
“We wanted to work, so that’s what we’ve been doing. I mean, you have seen how I work today. I’m almost at the floor or at the podium most of the time the entire day,” ani Villanueva.
Dagdag niya, maayos pa rin ang kanyang relasyon kay Cayetano na itinuring niyang kapatid.
Dumalo rin sa CA deliberations sina Senadora Imee Marcos, Loren Legarda at Senador Bong Go.
Ayon kay Legarda, kinikilala at sinusuportahan ng minority ang bagong liderato ng Senado.
“Everyday is a fresh start and we welcome, recognize, and congratulate the new leadership who are dear friends, who are competent, public servants and we in the minority, because I remain to be in the minority, will collaborate for the good of the Filipino people,” ani Legarda.
Sinabi rin niyang tinanggap na ni Cayetano ang resulta ng botohan.
“Nag-concede na siya kaninang umaga. Oo naman. Simple lang ‘to. Kapag may mayorya ka ng 24, a majority of all its members, then you have the leadership. Ganun kasimple, sundin lang natin ang rules,” dagdag niya.
Malugod ding tinanggap ni Go ang pagkahalal kay Gatchalian at umaasang babalik sa normal ang takbo ng Senado.
“Majority rules naman po. This is a collegial body. Tapos na po, so let’s move on with the new leadership, with the new majority. This is democracy, ganoon naman talaga. Ako naman, kilala ninyo po ako, gusto ko lang po magtrabaho,” ani Go.
Sinabi naman ni Marcos na nais lamang din niyang makapagtrabaho.
“Hindi naman kami nanggugulo eh,” pahayag niya.
Dumalo rin sa sesyon ng hapon si Senadora Pia Cayetano at kinilala ang bagong liderato.
“May 13, ‘di ba? Common sense, ‘di ba? What is in the Rules? What is in the Constitution? When you have 13, yun lang. So kung hindi sumunod sa Rules, doon lang naman kami may problema. Pero kapag sumunod sa Constitution at sa Rules, there’s no problem. That’s just how it is,” ani niya.
Samantala, nauna nang naghain sa Korte Suprema ang grupo ni Alan Peter Cayetano ng petisyon upang ipawalang-bisa ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3 kung saan nahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore dahil umano sa kakulangan ng quorum.
Ayon sa mga senador ng minority bloc, hihintayin nila ang magiging pasya ng Korte Suprema.
“Bibigyan yan ng kalutasan ng Korte Suprema kasi ang aming tinatanong hindi naman yung today. Alam mo naman yun, di ba? Yung nangyaring reorganization nung June 3 na walang trese pero ngayon, inayos nila,” ani Legarda.
Tumanggi namang magbigay pa ng karagdagang komento si Go at sinabing siyam na senador na pinangungunahan ni Cayetano ang naghain ng petisyon. RNT