Home METRO Nakalalasong bula sa ilog sa Laguna, tatalupan ng DENR

Nakalalasong bula sa ilog sa Laguna, tatalupan ng DENR

2
0

CALAMBA CITY, Laguna — Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Provincial Environment Office-Laguna at Laguna Lake Development Authority (LLDA) kaugnay ng pagkalat ng umano’y nakalalasong bula sa San Juan River sa Barangay Real, Calamba City.

Sinimulan ang pagsisiyasat matapos mamataan ang pagdaloy ng bula sa ilang bahagi ng ilog noong Hunyo 16, dahilan upang magsagawa ng joint inspection ang Philippine Coast Guard (PCG) at Calamba City Environment and Natural Resources Office (CENRO).

Ayon kay Ronn Martin Reyes, supervising environmental management specialist ng Calamba City CENRO, kinakailangan munang sumailalim sa laboratory analysis ang mga sample upang matukoy kung anong uri ng kemikal ang naging sanhi ng pagbuo ng bula.

Sinabi rin niya na hindi pa matukoy sa ngayon ang pinagmulan ng kontaminasyon dahil sa dami ng mga manufacturing companies at industrial locators na matatagpuan sa kahabaan ng ilog.

Nagbabala naman ang mga awtoridad na mahaharap sa kasong paglabag sa Philippine Clean Water Act ang sinumang mapatutunayang ilegal na nagtatapon ng kemikal sa ilog.

Nagdulot ng pangamba sa mga residente ang insidente matapos makakita ng mga patay na isda at makalanghap umano ng bula na pinaghihinalaang may nakalalasong sangkap.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here