MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Pilipinas ang posibleng pakikipagtulungan sa Russia kaugnay ng paggamit ng small modular nuclear reactors (SMRs) bilang bahagi ng pangmatagalang plano upang mapalakas ang suplay ng enerhiya sa bansa.
Ito ang sinabi ni Philippine Ambassador to Russia Igor Bailen sa panayam ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa Kazan, Russia, kung saan dumalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ASEAN-Russia Commemorative Summit.
Ayon kay Bailen, isa ang Russia sa mga bansang may kakayahan sa teknolohiyang nuclear energy, partikular sa small modular reactors.
“Sa ating energy mix, ang Pilipinas ay hindi pa gumagamit ng nuclear energy. But, of course, pinag-aaralan natin ang paggamit ng nuclear energy. Sa panahon ngayon, ang nuclear energy ay mas mainam, iyong small nuclear modular reactors. Ang bansang Russia ay may kakayahan diyan dahil I think sila ang kauna-unahan sa mundo na may floating nuclear power plant,” ani Bailen.
Sinabi niya na kasalukuyang sinusuri ng Department of Energy (DOE) ang paggamit ng nuclear energy alinsunod sa mga pamantayan ng International Atomic Energy Agency (IAEA), kabilang ang standards, conditions, at cost-benefit analysis.
“Ang pagkakaalam ko ay ang Amerika ay may kakayahan diyan pero hindi pa nagsisimula. So pinag-aaralan po ng Department of Energy, in accordance with the standard set by the International Atomic Energy Agency in Vienna yung mga standards, conditions, and cost-benefit analysis ng paggamit ng nuclear energy. Kasi alam naman po natin, we are one of the biggest archipelagos in the world. Mahal ang kuryente sa Pilipinas. Mahirap ang pag-transport ng energy sa mga isla,” dagdag niya.
Ayon kay Bailen, kabilang din sa mga bansang nagsusuri ng paggamit ng SMRs ang China, Japan, Canada, at France.
Ipinaliwanag niya na ang mga small modular nuclear reactor ay maaaring ilagay sa mga barge at gumagamit ng tubig-dagat bilang cooling mechanism.
Samantala, sinabi rin ng embahador na handang tumulong ang Russia sa mga bansang kasapi ng ASEAN, kabilang ang Pilipinas, sa kanilang pangangailangan sa enerhiya at langis.
“And not just oil needs but other energy needs. I think it’s good news because we know the Russian Federation is a net exporter of energy. We need energy, and we are working with our partners, including the US, so that we can import those oil requirements without sanctions or further economic issues,” ani Bailen.
Noong Mayo, inanunsyo ng DOE na makikipagtulungan ito sa National Power Corporation at Aboitiz Power Corporation para magsagawa ng feasibility study sa mga posibleng lokasyon ng nuclear power generation sa bansa.
Kabilang sa mga pag-aaralang lugar ang mothballed Bataan Nuclear Power Plant at iba pang potensyal na site para sa pagtatayo ng nuclear facilities.
Ayon sa DOE, bahagi ito ng Nuclear Energy Plan and Roadmap ng bansa na naglalayong tuklasin ang ligtas, maaasahan, at napapanatiling paggamit ng nuclear energy bilang bahagi ng energy mix ng Pilipinas pagsapit ng 2032. RNT