Home HOME BANNER STORY ICC warrant vs Sen. Go, 2 ex-police officials, inilabas na – Pulong

ICC warrant vs Sen. Go, 2 ex-police officials, inilabas na – Pulong

10
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte nitong Miyerkules na nagpalabas na umano ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban kay Senador Christopher “Bong” Go at dalawang dating opisyal ng pulisya, batay sa impormasyong ibinigay ng isang “highly reliable source.”

Sa isang Facebook post, kinuwestiyon ng anak ng nakakulong na dating Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y paggamit sa ICC laban sa mga kalaban sa pulitika.

“Wala na ba talagang katapusan ang administrasyong ito sa paggamit ng ICC bilang political weapon laban sa kanilang mga kalaban?” ani Duterte.

“Wala na ba talaga kayong awa o hiya sa pinaggagawa ninyo? Huwag gamitin ang mga ahensya ng gobyerno sa pagsupil at pagpapatahimik sa mga kalaban sa pulitika para lang mapagtakpan ang mas malaking issue ng pagnanakaw sa kaban ng bayan,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na si Go, dating aide ni Duterte, ang posibleng susunod na haharap sa arrest warrant mula sa ICC bilang umano’y co-conspirator sa mga kasong crimes against humanity, murder at attempted murder.

Gayunman, itinanggi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na nakatanggap sila ng anumang pormal na abiso kaugnay ng umano’y mga warrant.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, “Just talked to SoJ, neither of us has received any formal notice.”

Sinabi naman ng PNP na wala itong natatanggap na opisyal na komunikasyon hinggil sa sinasabing ICC warrants, ngunit tiniyak na ipatutupad nito ang anumang warrant na daraan sa wastong legal na proseso at naaayon sa batas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here