MANILA, Philippines — Isa sa bawat limang buntis na Pilipina ang nananatiling nasa panganib sa nutrisyon noong 2025, bagamat bahagyang bumaba ito kumpara sa mga nakaraang taon, ayon sa Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Batay sa 2025 Updating of the Nutritional Status of Filipino Children and Other Population Groups, nasa 16.7 porsiyento ng mga buntis ang nutritionally at risk, mas mababa sa 18.5 porsiyentong naitala noong 2023.
Ipinakita rin ng survey na mas mataas ang panganib sa mga buntis na wala pang 20 taong gulang, kung saan umabot sa 40 porsiyento ang prevalence ng nutritional risk kumpara sa 15.9 porsiyento sa mga buntis na edad 20 pataas.
Nakapagtala rin ang DOST-FNRI ng pagbuti sa prenatal care. Umakyat sa 73.3 porsiyento ang mga buntis na nakapagpaunang prenatal checkup sa tamang panahon noong 2025 mula sa 68 porsiyento noong 2023.
Samantala, 84.8 porsiyento ng mga buntis na nasa ikatlong trimester ang nakapagsagawa ng hindi bababa sa apat na prenatal visits, mas mataas kaysa sa 75.1 porsiyento noong 2023.
Gayunman, 22.9 porsiyento lamang ng mga buntis sa ikatlong trimester ang nakatugon sa inirerekomendang walong prenatal contacts, halos hindi nagbago mula sa 22.7 porsiyento noong 2023.
Ipinakita rin ng survey ang ilang positibong pagbabago sa nutrisyon ng mga sanggol. Tumaas sa 48.5 porsiyento ang continued breastfeeding sa mga batang dalawang taong gulang mula sa 40.9 porsiyento noong 2023, habang 54.8 porsiyento ng mga sanggol na wala pang anim na buwan ang exclusively breastfed.
Gayunman, 19.8 porsiyento ng mga sanggol ang nabigyan ng pre-lacteal feeds o pagkain at inumin bukod sa gatas ng ina bago maitatag nang maayos ang pagpapasuso, na maaaring makaapekto sa matagumpay na breastfeeding.
Sa mga batang edad anim hanggang 23 buwan, 56.5 porsiyento ang nakatanggap ng kombinasyon ng breast milk o formula at complementary food. Nasa 90.6 porsiyento naman ng mga sanggol na edad anim hanggang walong buwan ang nabigyan ng complementary food sa tamang panahon.
Subalit 23 porsiyento lamang ang nakatugon sa minimum dietary diversity requirement at 22.4 porsiyento ang umabot sa minimum acceptable diet standard.
Sa mga batang edad 0 hanggang 23 buwan, 12.7 porsiyento ang underweight, 21.1 porsiyento ang stunted, 6.3 porsiyento ang wasted, at 3.2 porsiyento ang overweight para sa kanilang tangkad.
Isinagawa ang nationwide survey mula Abril 2025 hanggang Marso 2026 bilang bahagi ng pagsubaybay sa mga target ng bansa para sa nutrisyon at kalusugan. Santi Celario