Home NATIONWIDE Patay sa M-7.8 lindol sa Sarangani, umakyat na sa 78

Patay sa M-7.8 lindol sa Sarangani, umakyat na sa 78

3
0

MANILA, Philippines – Umakyat na sa 78 ang bilang ng nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8, habang mahigit 1.4 milyong katao na ang naapektuhan sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa pinakahuling Situational Report No. 10, sinabi ng NDRRMC na umabot na sa 1,339 ang sugatan habang 30 katao ang nananatiling nawawala. Kabuuang 346,413 pamilya o 1,414,752 indibidwal sa 573 barangay sa Regions IX, XI, XII at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang naapektuhan ng lindol.

Nasa 81,855 katao pa rin ang bakwit, kabilang ang 18,504 na nananatili sa 45 evacuation centers at 63,351 na pansamantalang nanunuluyan sa labas ng mga evacuation facility.

Aabot sa 74,657 bahay ang napinsala, kabilang ang 13,681 na tuluyang nawasak at 60,976 na bahagyang nasira. Pinakamaraming napinsalang kabahayan ang naitala sa Region XII na umabot sa 58,522.

Tinatayang P148 milyon naman ang halaga ng pinsala sa imprastraktura, kung saan 774 pasilidad ang naapektuhan. Nasira rin ang 134 na bahagi ng mga kalsada at 41 tulay, kung saan 25 kalsada at 12 tulay ang nananatiling hindi madaanan.

Nagdulot din ang lindol ng pagkawala ng kuryente sa 47 lungsod at munisipalidad, habang naapektuhan ang suplay ng tubig at serbisyo ng komunikasyon sa ilang lugar.

Naitala ng mga state seismologist ang 7,461 aftershocks mula nang tumama ang lindol, kabilang ang 84 na naramdaman ng mga residente. Ang pinakamalakas na aftershock ay may lakas na magnitude 6.4. Nagdulot din ang lindol ng 67 landslides, pitong insidente ng ground cracks, at isang tsunami event.

Umabot na sa P176.8 milyon ang naipamahaging ayuda ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya, habang P8.1 milyon pa ang ipinagkaloob sa mga local government unit at regional agencies. Hanggang Hunyo 18, nasa 14 lungsod at munisipalidad pa rin ang nasa ilalim ng state of calamity habang nagpapatuloy ang response at recovery operations. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here