MANILA, philippines – Nahalal ang Pilipinas bilang miyembro ng UNESCO Intergovernmental Committee for the Safeguarding of the Intangible Cultural Heritage (IGC-ICH) para sa terminong 2026–2030 matapos makakuha ng 106 boto sa ginanap na eleksyon sa UNESCO sa Paris noong Hunyo 17.
Ayon sa resulta, nakakuha ang Pilipinas ng 106 boto mula sa 156 bansang bumoto, o katumbas ng 68 porsyento ng kabuuang valid votes.
Kasama ng Pilipinas na nahalal mula sa Asia-Pacific group ang Japan (117 boto), Indonesia (113 boto), at Cambodia (97 boto).
Ayon sa Philippine Embassy sa France, ang pagkahalal ay patunay ng pagkilala ng pandaigdigang komunidad sa yaman ng kulturang Pilipino.
“Our election to this important committee demonstrates how the world community of nations has always held our country in high esteem,” ani Philippine Ambassador to France at Permanent Delegate to UNESCO Eduardo Jose de Vega.
Ang IGC-ICH ay nagbibigay ng gabay sa pagprotekta ng mga tradisyunal na kaalaman, kultura, at mga pamana, at nagrerekomenda sa mga nominasyon para sa UNESCO Intangible Cultural Heritage Lists.
Bilang miyembro, inaasahang makikibahagi ang Pilipinas sa mga programa para sa cultural safeguarding, lalo na sa mga lugar na apektado ng kalamidad at climate change, at isusulong din ang gender equality, disability inclusion, at epekto ng migration at teknolohiya sa kultura.
Kabilang sa mga kinikilalang intangible cultural heritage ng Pilipinas ang Aklan piña weaving, Hudhud chants ng Ifugao, Darangen ng Maranao, Buklog ritual ng Subanen, Asin Tibuok ng Bohol, at School of Living Traditions. RNT/MND