Home HOME BANNER STORY OFWs may dagdag puntos sa Civil Service Exam – CSC

OFWs may dagdag puntos sa Civil Service Exam – CSC

1
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC) ang bagong preference rating system na magbibigay ng dagdag na puntos sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na hindi umabot sa 80% passing mark sa Career Service Examination (CSE).

Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2600596, itinatag ang Overseas Filipino Workers–Preference Rating (OFW-PR), kung saan maaaring makatanggap ng dagdag na puntos ang mga kwalipikadong OFW batay sa tagal ng kanilang pagtatrabaho sa abroad at performance sa trabaho.

Ayon kay CSC Chairperson Marilyn Yap, layunin ng polisiya na bigyan ng pagkakataon ang OFWs na makakuha ng civil service eligibility at makapasok sa regular na trabaho sa gobyerno.

“The CSC acknowledges the vital contributions of OFWs… By granting qualified modern heroes additional points in the CSE, we open opportunities for regularization and promotion,” ani Yap.

Saklaw ng polisiya ang mga OFW na kumuha ngunit bumagsak sa Professional o Subprofessional level ng CSE simula sa August 9, 2026 exams at mga susunod pa.

Kailangan ng aplikante na may hindi bababa sa limang taong kabuuang trabaho sa abroad mula January 1, 2000 hanggang sa petsa ng aplikasyon. Maaari ring makasama ang mga may kontrata na pero hindi pa umaalis ng bansa.

Maaaring makakuha ng hanggang 10 dagdag na puntos ang mga kwalipikado, ngunit hindi lalampas sa 80% ang final rating sa Certificate of Eligibility.

Hindi rin ito awtomatikong garantiya ng trabaho sa gobyerno at kailangan pa ring matugunan ang ibang qualification standards.

Ang aplikasyon ay dapat isumite sa CSC regional office kung saan unang nagparehistro ang aplikante, at may anim na buwan mula sa paglabas ng exam results para mag-apply. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here