CAGAYAN DE ORO, Philippines – Muling naungkat ang kontrobersiya sa joint venture ng water facility sa Cagayan de Oro matapos iulat ng Commission on Audit (COA) na ang kasunduan ay nagresulta sa pagtaas ng singil sa tubig na pumapabor umano sa konsyumer.
Sa Special Audit Office Report No. 2026-02, sinabi ng COA na ang Cagayan de Oro Bulk Water Inc. (COBI) ay nagsilbing “middleman” lamang sa halip na magtayo ng sariling water treatment facility gaya ng una nitong pangako.
Ayon sa ulat, napunta sa konsyumer ang dagdag gastos dahil sa joint venture na nilagdaan noong 2017, kung saan tumaas ang bulk water rate mula ₱10.45–₱11.52 kada cubic meter mula sa Rio Verde Water Consortium Inc. patungong ₱21.60 kada cubic meter noong 2024.
Tinukoy din ng COA na ang kasunduan ay “highly disadvantageous” sa pamahalaan at sa publiko at hindi umano sumunod sa 2013 PPP guidelines ng dating NEDA (ngayon ay Department of Economy, Planning, and Development).
Kuwestyonable rin umano ang pagpayag ng Cagayan de Oro City Water District (COWD) na 5% lamang ang kanilang bahagi sa joint venture, kumpara sa orihinal na 10%, na nakaapekto sa kita at kontrol ng lokal na water district.
Sa survey ng COA sa 290 consumers, 33% lamang ang nagsabing ligtas inumin ang tubig, 44% ang nakararanas ng mababang water pressure, at 19% lamang ang kuntento sa serbisyo sa reklamo.
May mga ulat din ng maruming tubig sa gripo, kabilang ang isang residente na nakakita umano ng uod sa kanyang faucet.
Ayon pa sa COA, lampas sa limitasyon ang non-revenue water (tubig na nawawala o hindi nasingil), na nagpapataas ng gastos sa operasyon.
Hinimok ng COA ang COWD na magsampa ng legal na hakbang laban sa kontrata at ayusin ang mga pagkalugi sa sistema upang mapababa ang singil sa tubig.
Sinabi naman ng COWD na kinikilala nila ang findings ng COA at sila mismo ang humiling ng special audit. Ayon sa kanila, nakikipag-ugnayan na sila sa Office of the Government Corporate Counsel para sa susunod na hakbang, habang posible umanong kailanganin ang pagtaas ng singil sa tubig upang tugunan ang malaking water loss sa sistema. RNT/MND