MANILA, Philippines — Naniniwala si Senador Panfilo “Ping” Lacson na maaaring kailanganing mamagitan ng Korte Suprema kung aabot sa siyam na senator-judges ang masuspinde o madetine sa gitna ng impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Inihayag ito ni Lacson kasunod ng preventive suspension ni Senador Jinggoy Estrada ng Sandiganbayan, at binalaan na maaaring mawalan ng saysay ang paglilitis kung mababawasan nang husto ang bilang ng mga senator-judges na maaaring bumoto.
“Yan na nga ang posibleng absurdity na mangyari, assuming na at least nine senator-judges ang ma-suspend. The trial will be a mere formality for acquittal. I’d rather leave it to the wisdom of the Court to come up with a practical necessity to intervene,” ani Lacson sa kanyang post sa X.
Ayon kay Lacson, bagama’t hindi karaniwang nakikialam ang Korte Suprema sa impeachment proceedings, maaari itong mamagitan kung may isyung may kinalaman sa grave abuse of discretion.
Aniya, kung siyam na senador ang masuspinde, 15 na lamang ang matitirang senator-judges na maaaring bumoto, kulang upang maabot ang kinakailangang 16 boto para sa conviction.
“Ano ang saysay na impeachment trial kung 15 lang yung senator judges na present at pwedeng bumoto? Ano saysay? Sabi ko, formality na ang acquittal, bakit pa tayo mag-trial? So diyan dapat mag-intervene ng Korte Suprema,” dagdag niya sa panayam sa radyo.
Samantala, sinabi rin ni Lacson na pinag-aaralan ng impeachment court ang pagtalaga ng isang Impeachment Manager upang tumulong sa pamamahala ng mga pagdinig at umalalay sa Presiding Officer.
Aniya, magsisilbi itong “quarterback” o tagapag-ugnay ng mga usapin sa plenaryo, katulad ng papel ng Senate Majority Leader.
Ayon kay Lacson, ikinokonsidera ng majority bloc sina Senador Francis Escudero bilang Presiding Officer at Senador Francis Pangilinan bilang Impeachment Manager. Kapwa abogado ang dalawa.
Nakatakdang ihalal ang Presiding Officer sa pagbubukas ng impeachment court sa Hulyo 6. RNT