MANILA, Philippines — Mariing pinabulaanan ni Senate President Sherwin Gatchalian ang paratang ni dating Senate President Sen. Alan Peter Cayetano na layunin ng bagong mayorya sa Senado na kontrolin ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte at pagtakpan ang kontrobersiya sa mga flood control project.
Sa panayam sa isang radio interview, sinabi ni Gatchalian na ang magiging resulta ng impeachment trial ay nakasalalay sa ebidensyang ihaharap ng prosekusyon at depensa.
“Magdedepende yan sa ebidensyang ipapakita ng both sides, prosecution and defense. Diyan mase-sway ang mga senator-judges. Hindi sa pagpapalit ng liderato, hindi sa pagpapalit ng mayorya, minorya.”
Nauna nang sinabi ni Cayetano sa isang Facebook Live na nais umano ng mayorya na kontrolin ang takbo ng impeachment proceedings sa pamamagitan ng presiding officer at pagtakpan ang isyu ng flood control projects.
Ayon kay Gatchalian, hindi pa napagdedesisyunan kung sino ang magiging presiding officer ng impeachment court at tatalakayin pa ito sa caucus ng mga senador. Aniya, mahalagang sundin ang umiiral na mga patakaran ng Senado.
Iginiit din niya na kailangan pa rin ang boto ng 16 sa kabuuang 24 senador upang magkaroon ng hatol na conviction sa impeachment case.
Kaugnay naman ng isyu sa flood control projects, itinanggi ni Gatchalian na may pagtatangkang pagtakpan ang usapin at sinabing handang ipagpatuloy ni Sen. Erwin Tulfo ang imbestigasyon kung may sapat na ebidensyang maisusumite.
“Very clear sinabi ni [Blue Ribbon] chairman Erwin Tulfo na itutuloy niya itong flood control. Pero dapat maayos at mayroong mga affidavits na isa-submit sa committee.”
Binanggit din ni Gatchalian na hindi dumalo sa pagdinig ng Senado ang 18 dating empleyado ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co kahit na sila ay inimbitahan. Ang mga ito ang nag-akusang naghatid umano ng mga maletang may laman na pera sa ilang personalidad, kabilang ang ilang senador.
“Pumunta sila sa building pero hindi naman pumunta at nag-attend nung hearing. Kaya nakaka-insulto yun at para sa akin pagbabalewala ng hearing at yung oportunidad na maglahad sila ng katotohanan,” aniya.
Samantala, nagpatuloy ang palitan ng pahayag nina Cayetano at Sen. Panfilo “Ping” Lacson hinggil sa alegasyong nasayang ang P700 milyon noong panahon ni Cayetano bilang Senate President. Iginiit ni Lacson na walang naging sapat na output ang Senado sa panahong iyon.
“Tama naman — ‘Whoever was SP noon, ganun din ang gastos…’ Pero, output ang pinag-uusapan: trabaho sa plenaryo, hindi boycott; magpasa ng batas, hindi mag livestream sa Facebook. At kung ayaw tumulong, huwag na lang manggulo. Kaya nga sayang ang pera, kasi zero output.” RNT