MANILA, Philippines — Nagsampa ng ikalawang reklamo ang Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) laban sa limang cargo forwarding companies dahil sa umano’y mga paglabag na may kaugnayan sa operasyon ng balikbayan boxes.
Kinasuhan ang Ikthus Trading Corporation, Marcelo D. Laylo Cargo Forwarders, Me Amoree International Consumer Goods Trading, MT De Guzman Non-Specialized Wholesale Trading, at Cargoflex Haulers Corporation dahil sa umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at iba pang kaugnay na batas.
Ayon sa BOC, sangkot sa kaso ang kabuuang 3,176 abandoned balikbayan boxes na natuklasan sa iba’t ibang pantalan sa bansa.
Sa imbestigasyon, natukoy umano ang ilang iregularidad kabilang ang misdeclaration, undervaluation, ilegal na deconsolidation, smuggling, maling deklarasyon ng mga komersyal na produkto, at pagpasok ng mga ipinagbabawal at regulated items.
Sinabi ng ahensya na bahagi ito ng pinaigting nitong kampanya laban sa mga cargo operators na lumalabag sa umiiral na regulasyon at nakaaapekto sa tiwala ng mga overseas Filipino worker (OFW) at kanilang mga pamilya.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng BOC at inaasahan ang pagsasampa ng karagdagang kaso laban sa iba pang kompanyang posibleng sangkot sa mga susunod na linggo. Jocelyn Tabangcura-Domenden