MANILA, Philippines — Nagtipon ang mga opisyal ng pamahalaan, iba’t ibang organisasyon, at mga kaanak ni Dr. Jose Rizal sa Rizal Park sa Maynila nitong Biyernes upang gunitain ang ika-165 anibersaryo ng kapanganakan ng pambansang bayani.
Pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang seremonya ng pag-aalay ng bulaklak sa Rizal Monument na nagsimula sa pag-awit ng pambansang awit at nagtapos sa Manila hymn.
Kabilang sa mga lumahok sa pagbibigay-pugay ang The Most Worshipful Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines, Order of the Knights of Rizal, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, at Komite ng Pagpapaunlad ng mga Pambansang Liwasan. Nag-alay rin ng bulaklak ang mga inapo ni Rizal habang isinagawa ang gun salute bilang bahagi ng programa.
Nagpadala rin ng mga bulaklak ang tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang pagpupugay sa pambansang bayani.
Nakiisa rin ang Kabataan Party-list sa paggunita ng kapanganakan ni Rizal kasabay ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng grupo.
“Inaalala natin ang 25 taong pakikibaka para sa karapatan ng bawat kabataan sa loob ng Kongreso. Mula sa mga batas na pinanukala hanggang sa protesta sa kalsada, bitbit natin ang interes ng kabataang Pilipino saan man tayo mapadpad,” ayon sa Facebook post ng party-list.
Ipinanganak si Rizal sa Calamba, Laguna noong 1861 at kinikilala bilang manggagamot, iskolar, at manunulat. Sa pamamagitan ng kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, nailantad ang mga pang-aabuso noong panahon ng kolonyalismong Espanyol at naging inspirasyon sa pakikibaka ng mga Pilipino para sa kalayaan. Binaril siya sa Bagumbayan, na ngayon ay kilala bilang Rizal Park. RNT