VALENZUELA CITY — Arestado ang limang indibidwal, kabilang ang isang 17-anyos na binatilyo, matapos maaktuhan umano ng mga pulis na nagsasagawa ng pot session sa Barangay Marulas nitong Huwebes ng hatinggabi.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang mga suspek sa mga alyas na “John,” 21; “RJ,” 32; “Jed,” 26; “Rone,” 32; at isang menor de edad. Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen ang Police Sub-Station 3 hinggil sa umano’y paggamit ng ilegal na droga sa isang bahay sa Del Rosario Street, Barangay Marulas.
Kaagad nagsagawa ng validation ang mga operatiba at pagdating sa lugar ay naaktuhan umano ang mga suspek na gumagamit ng hinihinalang shabu sa loob ng bahay, na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto dakong alas-12:15 ng madaling araw.
Sinabi ni P/MSg. Carlito Nerit Jr. na nakumpiska sa mga suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 5.43 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P36,924, dalawang bukas na sachet na may bakas ng hinihinalang droga, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila. Merly Duero