BUKIDNON — Tinangay ng mga armadong suspek ang isang bag na may lamang pera matapos tambangan ang tatlong empleyado ng bangko na magdedeposito sana ng salapi sa Manolo Fortich, Bukidnon.
Ayon sa pulisya, sakay ng sasakyan ang isang 30-anyos na bank driver, isang 26-anyos na loans processor, at isang 21-anyos na security guard nang harangin sila ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Damilang noong Hunyo 17.
Lumalabas sa imbestigasyon na patungo ang mga biktima mula sa kanilang bangko sa Crossing, Libona patungong Land Bank sa Manolo Fortich upang magdeposito ng pera nang bumaba ang mga suspek mula sa isang pickup truck at pinagbabaril sila gamit ang mahaba at maikling baril.
Gumanti naman ng putok ang driver at security guard, ngunit naubusan umano ng bala ang guwardiya.
Matapos nito, nilapitan ng mga suspek ang sasakyan at inutusan ang loans processor na ibigay ang bag na naglalaman ng perang ide-deposito.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong halaga ng perang natangay bago tumakas ang mga suspek.
Nagtamo ng walong tama ng bala sa windshield ang sasakyan ng mga biktima.
Kalaunan, natagpuan ng mga awtoridad sa Barangay Alae, Manolo Fortich ang isang abandonadong pickup truck na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa krimen. Sinuri ito ng mga imbestigador at kumuha ng mga ebidensyang maaaring makatulong sa kaso.
Patuloy naman ang hot pursuit at dragnet operations ng pulisya upang matunton at maaresto ang mga suspek. Mary Anne Sapico