Home METRO Tatay nanaksak ng nambastos sa anak, kalaboso

Tatay nanaksak ng nambastos sa anak, kalaboso

5
0

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 45-anyos na ama matapos saksakin ang isang 27-anyos na lalaki na umano’y paulit-ulit na nambabastos sa kanyang 14-anyos na anak sa Barangay 767, San Andres Bukid, Maynila.

Naganap ang insidente pasado alas-12:30 ng madaling araw noong Hunyo 17 at nakuhanan ng CCTV. Makikita sa video na nilapitan ng suspek ang biktima habang nakikipagkuwentuhan sa harap ng isang tindahan at bigla itong sinaksak sa tiyan gamit ang bolo.

Ayon sa suspek, ilang ulit na nilang inireklamo sa barangay ang biktima dahil umano sa panggugulo at pambabastos sa kanyang anak.

“Paulit-ulit na pumapasok sa bahay. Minsan, pakikitaan ‘yung anak ko. Kahit mga tulog na kami, pumapasok pa rin sa pinto. Hindi ko na mapigilan ‘yung sarili ko. Laging ginagawa sa anak ko,” aniya.

Sinabi ni Sta. Ana Police Station commander Lt. Col. Inocencio Richard Villanueva na lumalabas sa imbestigasyon na ipinaghiganti ng suspek ang umano’y pambabastos sa kanyang anak.

“Based din sa kwento nung barangay ‘tsaka ng mga tao du’n, ‘yung victim talaga is may mga ano na dati parang may mga grudges na sila before du’n sa area nila… ang pinaka-highlight nu’n is ‘yung anak ng suspect is parang nabastos nitong biktima natin,” ani Villanueva.

Ayon naman kay Barangay Kagawad Tess Raagas, ilang beses nang naiulat ang umano’y kakaibang kilos ng biktima na iniuugnay sa paggamit ng ilegal na droga.

“Kakatukin niya ‘yun o kaya itutulak niyang pilit… kapag hindi binuksan, hahanap at hahanap siya ng way para masilip niya ‘yung loob. Ngayon, ‘pag talagang wala talaga, umalis naman siya,” aniya.

Inamin ng ina ng biktima na gumagamit ng ilegal na droga ang kanyang anak ngunit itinanggi nito ang alegasyong nambastos ito sa dalagita.

“Ang ugali niya, papasok siya sa bahay pero wala naman siyang ginagawa. Nag-iisip lang yung tao [suspek] na, ‘Ay, sinilipan ‘yung anak ko.’ Wala naman,” giit niya.

Napuruhan sa bituka ang biktima ngunit nasa maayos na kondisyon na at nagpapagaling sa ospital. Nakumpiska rin ng pulisya ang ginamit na patalim.

Naghahanda naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamong frustrated murder laban sa suspek. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here