Home METRO 3 dayuhan timbog sa online gaming hub; mga menor nailigtas

3 dayuhan timbog sa online gaming hub; mga menor nailigtas

1
0

ANGELES CITY — Tatlong dayuhan ang inaresto matapos madiskubre ng mga awtoridad ang umano’y iligal na online gaming operation sa Barangay Anunas na kinasasangkutan ng dalawang menor de edad.

Isinagawa ang operasyon matapos humingi ng tulong sa pulisya ang mga ina ng dalawang binatilyong madalas umanong magtungo sa apartment na inuupahan ng mga dayuhan.

Ayon sa Police Station 4 ng Angeles City Police Office (ACPO), rumesponde ang mga pulis sa lugar bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Hunyo 16. Sa kanilang pagdating, natagpuan nila ang isa sa mga menor de edad na nakaupo sa harap ng computer unit.

Lumabas sa imbestigasyon na ang dalawang biktima, edad 16 at 17, ay umano’y ni-recruit ng isang indibidwal na gumagamit lamang ng alyas at kalaunan ay dinala sa mga suspek.

Batay sa paunang imbestigasyon, pinagtatrabaho umano ang mga menor de edad sa overnight shift mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga upang maglaro ng online game na Lineage Classic at maabot ang itinakdang daily quota kapalit ng umano’y ₱500 kada shift.

Nadiskubre rin ng mga awtoridad na ang operasyon ay umano’y walang kinakailangang permit sa negosyo at empleyo. Ilang computer units ang nakumpiska bilang ebidensya.

Dinala sa Police Station 4 ang tatlong suspek para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon habang patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang isa pang sangkot na nakilala lamang sa pamamagitan ng alyas.

Maaaring maharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9208, na inamyendahan ng Republic Act No. 10364, at Republic Act No. 7610. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here