Home NATIONWIDE Pambato ng oposisyon sa pagkapangulo iaanunsyo sa bungad ng 2027 – Hontiveros

Pambato ng oposisyon sa pagkapangulo iaanunsyo sa bungad ng 2027 – Hontiveros

3
0

MANILA, Philippines — Inihayag ni Sen. Risa Hontiveros nitong Biyernes na target ng nagkakaisang demokratikong oposisyon na pangalanan at ihayag ang kanilang kandidato sa pagkapangulo para sa 2028 elections bago matapos ang 2026 o sa unang bahagi ng 2027.

Sa panayam sa mga mamamahayag sa Cebu, muling sinabi ni Hontiveros na siya ay “seriously considering” na tumakbo bilang pangulo ngunit iginiit na mahalagang magkaisa ang mga grupo ng oposisyon sa iisang kandidato.

Ayon sa senador, kinakailangang maihain ng kanilang hanay ang “strongest, best, most attractive and hopeful offer” para sa mga botante. Aniya, ang pagkakaroon ng iisang pambato lamang ang magbibigay sa kanila ng “fighting chance” sa halalan.

Mas maaga ngayong linggo, nakipagpulong ang Akbayan sa mga kinatawan ng Liberal Party, Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino, at Magdalo Party upang palakasin ang koordinasyon at kooperasyon para sa kanilang magkakatulad na demokratikong layunin.

Sa pahayag ng Akbayan Party-List, sinabi nito: “Magkakaiba man ang porma ng pagpapalakas at paghahanda, iisa lang ang layunin. Ang magtagumpay para sa mamamayan! One united democratic opposition!”

Sinabi rin ni Hontiveros na isasaalang-alang nila ang resulta ng mga survey at suporta mula sa iba’t ibang sektor sa pagpili ng kanilang magiging kandidato.

Nauna nang nagpahayag si Vice President Sara Duterte ng intensiyong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 at nangunguna sa mga unang opinion poll. Samantala, muling iginiit ni dating Vice President at Naga City Mayor Leni Robredo na tatakbo siya para sa ikalawang termino bilang alkalde ng Naga at hindi para sa anumang pambansang posisyon, sa kabila ng panawagan ng ilang grupo na muli siyang tumakbo bilang pangulo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here