Home NATIONWIDE Mga dating pampang ng ilog gagawing parke sa ilalim ng Manila Bay...

Mga dating pampang ng ilog gagawing parke sa ilalim ng Manila Bay rehab

2
0

MANILA, Philippines — Ginagawang mga pampublikong parke at community spaces ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga nabawing river easement areas bilang bahagi ng programa sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Sa magkahiwalay na pagpapasinaya sa Bataan at Pampanga noong Hunyo 14, ipinakita ni Environment Secretary Juan Miguel Cuna ang mga proyektong naglalayong gawing kapaki-pakinabang na pampublikong lugar ang mga dating hindi nagagamit na pampang ng ilog.

Sa Barangay Bagumbayan, Bataan, pinasinayaan ang 290-meter na “Disiplina Park,” isang linear park na may mga halaman, ilaw, bukas na daanan, at solar-powered streetlights.

“Ang 290 meter na ginawa nating linear park dito po ay bahagi po ng Manila Bay Rehabilitation natin. At ayon po sa kautusan ng ating Pangulo, Ferdinand R. Marcos Jr., gusto niya po ang gawin ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno, tumulong, gumawa ng mga hakbang, para ‘yung mga komunidad po natin mas maging resilient, mas maging maayos, para gumanda rin ang buhay ng ating mga kababayan,” ani Cuna.

May nakatanim na 1,200 puno sa parke kabilang ang kawayan, ornamental shrubs, at palm trees upang makatulong sa erosion control at makapagbigay ng lilim. Inilipat din sa 1 Bataan Housing project ang mga pamilyang dating nakatira sa easement area.

Sa Pampanga naman, itinampok ng DENR ang pagbabago ng dating hindi nagagamit na pampang ng Caliano River sa Sasmuan tungo sa 1,300-square-meter na Sasmuan Linear Park.

“Ang 1,300-sqm Sasmuan Linear Park, dating patay na pampang, ngayon buhay na tambayan ng komunidad. May walkway, pavilion, picnic spots at open spaces para sa lakad at pahinga,” ayon sa DENR.

Natapos ang proyekto noong ikalawang quarter ng 2025 at nagtatampok ng concrete pathway, pavilion, comfort room, mga mesa at upuan, at iba pang pampublikong pasilidad.

“Gaya ng sabi po ni Mayor (Catalina Cabrera) sa akin kanina ay wala pong plaza dito sa Sasmuan, so masaya po kami na itong ginawa po nating proyekto ay magiging plaza na ng bayan ng Sasmuan na open sa lahat ng tao,” ani Cuna.

Bahagi ang dalawang proyekto ng Manila Bay rehabilitation program na sumasaklaw sa National Capital Region, Central Luzon, at Calabarzon, at nakatuon sa river easement recovery, wastewater management, at pagbabawas ng solid waste.

Nanawagan si Cuna sa mga komunidad na pangalagaan ang mga parke at mga daluyan ng tubig upang mapanatili ang mga benepisyo ng rehabilitasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here