MANILA, Philippines — Itinanggi ni Senator Risa Hontiveros nitong Biyernes ang mga alegasyong may nakahanda nang hatol ang mga senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, at iginiit na kailangan munang dinggin ng Senado ang mga ebidensya at argumento ng magkabilang panig bago magpasya.
Sa panayam sa mga mamamahayag sa Cebu City, sinabi ni Hontiveros na hinihintay pa ng mga senator-judge ang presentasyon ng mga ebidensya at mga testigo mula sa prosekusyon at depensa.
“We are waiting for the first time, finally, marinig anumang mga ebidensya, mapakinggan, maaring matanong ang sinumang mga witnesses na iharap sa amin, both ng prosecution at ng defense,” ani Hontiveros.
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng mga alegasyong hindi na umano susuriin ng Senado ang mga ebidensya at basta na lamang magpapasya sa impeachment case.
Ayon kay Hontiveros, walang katotohanan ang naturang mga pahayag dahil nanumpa ang mga senador bilang senator-judges at nakahandang gampanan ang kanilang tungkulin nang patas.
Aniya, nagsagawa na ng pre-trial proceedings ang impeachment court kung saan tinalakay ang mga dokumento at iba pang paunang usapin, ngunit ang mismong paglilitis pa rin ang yugto kung saan ihaharap ang mga ebidensya at mga testigo.
“So, I think imposible na mag-decide na lang kami at the outset. Kasi paano namin gagawin? Hindi namin puwedeng gawin ‘yun unless marinig nga po namin itong lahat ng ito,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Hontiveros na ang mga testimonya, dokumento, at iba pang ebidensyang ihaharap sa paglilitis ang magsisilbing batayan ng bawat senator-judge sa kanilang magiging boto.
Nakatakdang magsimula ang pormal na paglilitis sa Hulyo 6. RNT