Home NATIONWIDE BRP Miguel Malvar, matagumpay nakilahok sa Rimpac 2026

BRP Miguel Malvar, matagumpay nakilahok sa Rimpac 2026

3
0

MANILA, Philippines – Matagumpay na nasubok ng Philippine Navy ang kakayahan ng bago nitong guided-missile frigate na BRP Miguel Malvar (FFG-6) matapos itong maglayag hanggang gitnang Karagatang Pasipiko at makilahok sa Rim of the Pacific Exercise 2026 malapit sa Hawaii.

Nakibahagi ang barko sa isang leapfrog maneuver kasama ang RSS Steadfast (RSS 70) ng Singapore at ROKS Cheon Ja Bong (LST-687) ng South Korea. Salitan silang nagsilbing gabay at maneuvering ship habang pinananatili ang ligtas na pagitan na humigit-kumulang 50 yarda.

Ito ang unang long-range deployment ng BRP Miguel Malvar mula nang maihatid ito mula sa Ulsan noong Abril ng nakaraang taon.

Ayon sa Navy, ipinakita ng biyahe ang lumalawak na kakayahan nito sa malalayuang operasyon at pakikilahok sa mga multinational maritime activity gamit ang mga makabagong barko.

Naging makasaysayan din ang misyon dahil unang beses na natawid ng barko at ng 120 nitong tripulante ang International Date Line, na minarkahan sa pamamagitan ng tradisyunal na “Rites for the Domain of the Golden Dragon.”

Bahagi ang deployment ng Naval Task Group 84 bilang paghahanda para sa Rimpac 2026, ang pinakamalaking pandaigdigang maritime warfare exercise na pinangungunahan ng US Indo-Pacific Command mula pa noong 1971.

Gaganapin ang Rimpac 2026 mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 31 sa paligid ng Hawaii, na lalahukan ng 31 hukbong-dagat upang palakasin ang interoperability at kahandaan sa mga multinational maritime operation.

Ayon sa Philippine Navy, patuloy nitong pinatitibay ang pakikipag-ugnayan sa mga kaparehong bansa at pinalalakas ang kakayahan nito upang maprotektahan ang mga interes ng Pilipinas sa karagatan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here