MANILA, Philippines – Napapanahon ang panukalang batas ni Senador Erwin Tulfo na parusahan ang sinumang mangungutya, mambu-bully, mambabastos o mag-aalipusta sa lahat ng person with disabilities, senior citizens, at indigenous Peoples sa anumang oras at larangan.
Sa pahayag sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on social justice, welfare and development nitong Lunes sa Senado, sinabi ni Tulfo na mas mahigpit na batas ang kailangan na ipapataw sa sinumang lalabag dito tulad ng pagkakakulong at iba pang parusa.
Ani Tulfo, dalawang salita ang dapat isa-isip sa paggawa ng batas — ang bayanihan at karapatan.
“Bagama’t magkakaiba ang layunin ng mga panukala, iisa lang ang prinsipyo nito — ang isulong ang isang makatarungan, makatao at mapagmalasakit na lipunan kung saan kinikilala ang dignidad at kakayahan ng bawat isa,” giit ni Tulfo.
Kasabay nito, mariing kinondena din ni Tulfo ang insidente ng diskriminasyon sa isang podcast kamakailan na kinutya si Josh Aquino, anak ni Kris Aquino at pamangkin ni Senador Bam Aquino.
Kaya, sinabi ni Tulfo na kasalukuyan nang pinag-aaralan ang isang panukalang batas upang panagutin ang sinumang lalabag sa pamamagitan ng criminal liability at parusang kulong sakaling kutsain o hamakin ang lahat ng kabilang sa vulnerable sectors.
Hinimok din ng senador ang mga ahensya ng gobyerno na tiyakin ang pagpapatupad ng lifetime validity ng PWD identification cards at nanawagan ng masusing pag-aaral sa panukalang pagtatatag ng National Disability Support Fund.
Tinalakay din ng komite sa parehong pagdinig ang House Bill No. 4708 na naglalayong amyendahan ang Volunteer Act of 2007 sa pamamagitan ng pagdedeklara sa Disyembre bilang National Volunteer Month at sa Disyembre 5 bilang National Volunteer Day upang palakasin ang community service at civic duty sa buong bansa. Ernie Reyes