BAGUIO, Philippines – Idineklarang insurgency-free at nasa ilalim ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) status ang Cordillera Administrative Region (CAR) matapos ang regional peace and order council meeting sa Baguio City noong Huwebes.
Saklaw ng deklarasyon ang mga lalawigan ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province, pati na rin ang mga lungsod ng Baguio at Tabuk.
Pinangunahan ni RPOC Chairperson at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagpupulong kung saan inaprubahan ang Resolution No. 3, Series of 2026.
Iminungkahi ang resolusyon nina Col. Darrel Bañez at Col. Davice Christopher Mercado, na nagsasabing wala nang kakayahan ang insurgent groups na magsagawa ng tuloy-tuloy na armadong operasyon sa rehiyon.
Ayon sa awtoridad, bunga ito ng taon-taong operasyon ng AFP, PNP, LGUs, at mga komunidad na nagresulta sa pagkakalas ng insurgent structures at pagkawala ng malalaking aktibidad ng rebeldeng grupo.
Ayon sa pahayag, ang SIPS status ay ibinibigay kapag itinuturing na hindi na kayang magsagawa ng sustained armed operations ang mga insurgent group sa isang lugar.
Pipirmahan pa ang resolusyon ng mga kinatawan ng PNP, AFP, at lokal na pamahalaan bago isumite sa National Peace and Order Council na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inaasahan ding lilipat ang pokus ng mga security forces mula counterinsurgency patungo sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pamamagitan ng law enforcement at development programs. RNT/MND