MANILA, Philippines – Natuklasan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na umabot lamang sa P11 bilyon ang natirang pondo sa dating P25 bilyon sa 2026 ang natira sa school-based feeding program ng Department of Education (DepEd).
Ang dahilan, ayon kay Pangilinan, umabot lamang kasi sa P3.5 bilyon mula sa P25 bilyon ang nagamit ng DepEd sa naturang programa kaya’t hiniling ni Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara na bawasan ang naturang pondo.
“Sa pagdinig nitong Biyernes, iminungkahi ng DepEd na bawasan ang budget ng school-based feeding program para sa 2027 sa P11 bilyon mula sa P25 bilyon na inilaan noong nakaraang budget cycle,” ayon kay Pangilinan.
Sinabi ni Pangilinan na ikinatuwiran ni Angara na dadalhin ng DepEd ang hindi nagastos na pondo sa 2026 sa susunod na taon dahil P3.5 bilyon lamang sa dating P25 bilyong alokasyon ang nagastos ng ahensya.
Nagpahayag ng pangamba si Pangilinan na maaaring maapektuhan ng pagbabawas ng budget ang implementasyon ng school-based feeding program.
Dahil dito, hinimok ni Pangilinan ang DepEd na lubusang ipatupad ang Sagip Saka Act sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa pagbili ng produktong pagkain direkta mula sa accredited farmers’ at fisherfolk enterprises na magagamit sa feeding program.
Hiniling niya sa ahensya na ihanda para sa plenary ang magiging epekto ng pagbabawas mula P25 bilyon patungong P11 bilyon.
Hinimok din niya ang DepEd na dagdagan ang procurement nito mula sa accredited farmers’ at fisherfolk enterprises sa ilalim ng Sagip Saka Act.
Aniya, 0.3% lamang ng kabuuang procurement ng departamento ngayong taon ang binili sa pamamagitan ng programa.
Binigyang-diin ni Pangilinan na may dalawang layunin ang school-based feeding program: tugunan ang gutom at malnutrisyon ng mga mag-aaral upang mas matuto sila, at mabigyan ng matatag na merkado ang lokal na produktong pang-agrikultura at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino at mangingisda.
Nitong Biyernes, sinimulan din ni Pangilinan ang pagsusuri sa implementasyon ng Sagip Saka Act ng mga ahensya ng gobyerno sa pagdinig ng panukalang budget ng ahensiya.
Binigyang-diin ng senador na kailangang lubos na maipatupad ang batas upang mabigyan ng matatag na merkado ang mga magsasaka at mangingisda.
Si Pangilinan na chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform ang pangunahing may-akda ng Republic Act No. 11321 o Sagip Saka Act.
Pinapayagan ng batas ang national government agencies at local government units na direktang bumili ng pagkain mula sa accredited farmers’ at fisherfolk cooperatives nang hindi na dumadaan sa public bidding.
Sa pagdinig ng DepEd para sa 2027 fiscal year, tinalakay ng senador ang isyu bilang pagpapatuloy ng kanyang pagsisikap na matiyak na tinutupad ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang obligasyon sa ilalim ng batas.
Sinabi ni Pangilinan sa mga opisyal ng DepEd na pinangunahan ni Angara na nasa initial stage pa lamang ang ahensya sa pagpapatupad ng programa para sa kanilang feeding program na nagsimula nitong Agosto.
Hiniling niya sa DepEd na magsumite sa plenary kung paano nila balak na lubusang ipatupad ang Sagip Saka, at kung ano ang mga hamon sa supply side dahil walang problema sa demand side.
Ayon kay Pangilinan, habang tinutugunan ng Sagip Saka ang demand side ng sektor ng agrikultura, isinusulong din niya ang dalawang panukala sa Kongreso: ang pagpapalakas ng agricultural cooperatives at ang renationalization ng agricultural extension services.
Ang panukalang Agricultural and Fisheries Extension Services Act ay naglalayong magtatag ng mas malakas at maayos na national extension system na magbibigay sa mga magsasaka at mangingisda ng technical assistance, research-based technologies, climate-smart farming practices at capacity-building.
Ang Agricultural Cooperatives Act naman ay muling magtatatag ng Bureau of Agriculture Cooperatives. Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda na mag-organisa at makipagkumpetensya, at mapabuti ang kanilang access sa financing, merkado, kagamitan at value-adding opportunities. Ernie Reyes