Home METRO P748K smuggled cigarettes, nasabat

P748K smuggled cigarettes, nasabat

3
0

ISABELA, Philippines – Tinatayang aabot sa Php748,000.00 halaga ng pinaniniwalaang smuggled cigarettes ang nabawi at nasabat ng mga operatiba ng Cauayan Component City Police Station matapos abandonahin ng hindi pa nakikilalang mga indibidwal sa isang liblib na lugar sa Brgy. Pinoma, Cauayan City, Isabela

Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Cauayan CCPS mula sa isang confidential informant hinggil sa umano’y pagdadala at paghahatid ng mga smuggled cigarettes sa loob ng nasabing lungsod na lulan ng isang puting Toyota Hiace van na walang plaka at bumiyahe mula Santiago City patungong Cauayan City ang ginagamit sa transportasyon ng mga ilegal na sigarilyo para umano sa delivery sa hindi pa matukoy na tindahan.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng Cauayan CCPS sa Brgy. Nungnungan II, Cauayan City. Habang isinasagawa ang checkpoint, namataan ng mga pulis ang van na tumutugma sa deskripsyong ibinigay ng informant.

Subalit nang mapansin ng driver ang checkpoint, bigla itong umiwas at mabilis na tumakas patungo sa Cabatuan-Cauayan City Bypass Road dahilan upang magsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad.

Bandang 11:45 PM ng parehong araw, habang nagpapatuloy ang paghahanap sa tumakas na sasakyan, napansin ng mga operatiba ang ilang nakasalansang garbage bags sa isang madilim at liblib na bahagi ng barangay road sa Brgy. Pinoma.

Nang inspeksyunin, natuklasang naglalaman ang mga ito ng iba’t ibang klase ng sigarilyong walang kaukulang tax stamps at pinaniniwalaang smuggled.

Narekober ang  201 reams ng Red Marshal cigarettes- Php201,000.00; 400 reams ng Green Marshal cigarettes- Php400,000.00; 18 reams ng Black RGD cigarettes- Php18,000.00; 28 reams ng Blue Marshal cigarettes-Php28,000.00, 38 reams ng Bon cigarettes- Php38,000.00; 8 reams ng Nise cigarettes-Php8,000.00,5 reams ng HP cigarettes- Php5,000.00 at 50 reams ng Commando cigarettes- Php50,000.00

Sa kabuuan, umabot sa 748 reams ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na may tinatayang kabuuang halaga na Php748,000.00 ang narekober ng mga awtoridad.

Nakipag-ugnayan na rin ang Cauayan CCPS sa mga kinauukulang ahensya para sa beripikasyon at tamang disposisyon ng mga nakuhang kontrabando habang nagpapatuloy ang follow-up investigation upang matukoy ang pinagmulan at mga may-ari ng nasabing mga ilegal na produkto.

Samantala, pinuri naman ni PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang mabilis na responde at dedikasyon ng mga operatiba sa matagumpay na operasyon laban sa smuggling activities sa probinsya. (REY VELASCO)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here