SANTIAGO CITY, Philippines – Nabuwag na ng Philippines Drug Enforcement Agency o PDEA Region 02 ang di umano’y isang (1) drug den sa Brgy. Calao East, Santiago City.
Sa pinaigting na kampanyan laban sa illegal drugs ni Regional Director Gil Cesario Castro ng PDEA Region 02 ay naaresto sina alyas “David,” 26-anyos ng Brgy. Planas, Ramon, Isabela, alyas “Tin,” 41-anyos; at alyas “Mar,” 27-anyos na kapwa residente ng Calao East sa nasabing lungsod.
Habang ang isang 17-anyos Menor de edad ang nailigtas at nasagip sa nasabing drug den.
Nasa humigit-kumulang 150 gramo ng pinaghihinalaang dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng Php 18,000.00 at pitong gramo ng pinaghihinalaang marijuana kush na nagkakahalaga ng Php 8,400.00 ang nakuha sa mga suspek.
Isinailalim sa imbentaryo ang narekober na marked money, isang iPhone 11 at iba’t ibang kagamitan na hinihinalang ginagamit sa pagdodroga.
Sumailalim sa interbensyon ang menor de edad sa bisa ng Republic Act 9344 bilang Juvenile Justice and Welfare Act.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa seksyon 5, 6, 7, 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (REY VELASCO)