MANILA, Philippines – Patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan sa kabila ng pagsisimula ng tag-ulan ngayong buwan, ayon kay National Water Resources Board executive director Dr. Sevillo David Jr. nitong Sabado, Hunyo 20.
“Sa ngayon, kahit nag-uulan… ay sa kasalukuyan ay bumababa pa rin itong Angat Dam,” sinabi ni David sa panayam ng DZBB.
“So, sa ngayon, nasa halos 166 meters ‘no, ang level ng Angat Dam. Mababa ‘yan doon sa tinatawag nating minimum operating level na 180 meters ‘no. Halos 14 meters ang baba niya at patuloy siyang bumababa sa ngayon,” dagdag pa niya.
“Kaya sa kasalukuyan, ‘yan ‘yung mino-monitor nating maigi.”
Dahil dito ay isinusulong ng NWRB ang pagtitipid sa tubig, at pagsuspinde ng pagpapakawala ng tubig sa mga irigasyon, kasabay ng pagtukoy ng iba pang alternatibong water sources para masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa Metro Manila.
“Pinapaigting natin ngayon ang water conservation,” ani David lalo pa’t idineklara na ng PAGASA ang pagkakaroon ng El Niño conditions sa tropical Pacific.
“Sa kasalukuyan, wala munang releases para sa irrigation at pina-prioritize natin ang tubig para sa Metro Manila dahil sa below 180 (meters) ay kailangan nating i-manage ‘yung supply.”
Mula pa noong Mayo ay sinuspinde na ang pagsusuplay ng tubig sa irigasyon.
“Wala munang releases sa irrigation hanggang hindi nakaka-recover nang maayos ang level ng Angat Dam,” aniya.
Aminado si David na isa sa mga posibleng hakbang ay ang pagbabawas ng alokasyon ng tubig sa mga concessionaire.
Sa kabila nito ay inaalam ng NWRB at Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang alternatibong pagkukuhanan ng tubig.
“Kaya noon pa hong mga March, dahil na rin sa abiso ng PAGASA na posibleng magka-El Niño ay inihanda na natin ‘yung mga posibleng mapagkunan ng karagdagang supply ng tubig gaya ng deep wells na inihanda na rin natin,” aniya.
Bukod sa mga deep well ay kabilang sa iba pang alternative water resources ay ang water treatment facilities at Laguna Lake. RNT/JGC