Home NATIONWIDE DA naglaan ng P600M sa rural infra projects sa Eastern Visayas

DA naglaan ng P600M sa rural infra projects sa Eastern Visayas

2
0

MANILA, Philippines – Tatlong malalaking proyekto sa imprastraktura na nagkakahalaga ng kabuuang P666.07 milyon ang nakakuha ng regional approval sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (PRDP) ng Department of Agriculture (DA) sa Eastern Visayas.

Kasunod nito, isusumite na ang mga proyekto sa national level para sa pinal na pagsusuri at pag-apruba.

Kabilang sa mga proyekto ang dalawang potable water system sa Leyte at Northern Samar at isang farm-to-market road project sa Northern Samar.

Kapag naaprubahan at naisakatuparan, inaasahang mapapabuti nito ang access sa malinis na tubig, mapalalakas ang koneksyon ng mga komunidad sa sektor ng agrikultura at makikinabang ang libu-libong residente sa rehiyon.

Isa sa mga inendorso ay ang Matalom Barangay Water System Development Project sa Matalom, Leyte na nagkakahalaga ng P139.90 milyon.

Ang proyekto ay magtatayo ng Level II potable water system para sa 11 barangay at inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 8,840 residente o 2,213 kabahayan sa pamamagitan ng mga reservoir, filtration facilities, pipelines at communal tap stands.

Inendorso rin ang Construction of Bobon Potable Water System Level II sa Bobon, Northern Samar na may pondong P209.89 milyon.

Layunin nitong mabigyan ng ligtas na inuming tubig ang mahigit 13,600 residente sa 14 barangay at makatulong sa pagpapabuti ng kalusugan at kapakanan ng komunidad.

Samantala, ang pinakamalaking proyekto ay ang Camparanga–Manahaw–San Ramon–Canjumadal (CAMASACA) Farm-to-Market Road Project sa Pambujan, Northern Samar na nagkakahalaga ng P316.29 milyon.

Saklaw nito ang 10.343 kilometrong kalsada na inaasahang magpapadali sa pagdadala ng mga produktong agrikultural mula sa halos 3,972 ektarya ng sakahan at makikinabang ang mahigit 13,700 residente, kabilang ang mga magsasaka at mangingisda.

Ayon sa PRDP Eastern Visayas, ang pag-endorso sa mga proyekto ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng programa at mga lokal na pamahalaan upang mapalawak ang mga serbisyong pangkanayunan, mapaunlad ang agrikultura at maisulong ang inklusibong paglago ng ekonomiya sa rehiyon.

Dadaan pa ang mga proyekto sa pagsusuri ng PRDP National Project Coordination Office bago tuluyang maaprubahan para sa implementasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here