Home NATIONWIDE 7 arestado sa P5.5M ‘di rehistradong mantika sa Bukidnon

7 arestado sa P5.5M ‘di rehistradong mantika sa Bukidnon

2
0

MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ang pitong indibidwal at nasamsam ang nasa P5.5 milyong halaga ng umano’y luma na, walang label at hindi rehistradong mantika sa operasyon sa Valencia City, Bukidnon.

Nagsagawa ng serye ng raid ang mga operatiba mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sa pakikipag-ugnayan sa Food and Drug Administration (FDA), sa isang warehouse at sari-sari store sa Barangay Poblacion.

Nagresulta ito sa pagkakakumpiska ng libo-libong litro ng cooking oil na umano’y ibinibenta nang walang kaukulang permit at rehistro.

Ayon sa CIDG, apat na suspek ang naaresto sa tindahan at tatlo iba pa sa warehouse.

Ang mga ito ay sangkot sa pagbebenta at distribusyon ng recycled, adulterated, unlabeled, at unregistered cooking oil na paglabag sa Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009, Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines, at Republic Act No. 10611 o Food Safety Act of 2013.

Nakuha mula sa warehouse ang isang storage tank na naglalaman ng 15,000 litro ng cooking oil, 1,478 gallons, at 355 repacked plastic containers, na may kabuuang halaga na P4.3 milyon.

Nakumpiska rin sa isa pang operasyon ang dalawang tangke na naglalaman ng 9,700 litro ng cooking oil, 100 containers na may tig-15 litro kada isa, at 175 repacked plastic containers na nagkakahalaga ng P1.2 milyon.

Wala umanong certificate, permit at license to operate na inisyu ng FDA ang naturang warehouse at storage facilities. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here