Home NATIONWIDE P99M ismagel na sigarilyo nasabat ng Navy, pulisya sa operasyon sa Sulu

P99M ismagel na sigarilyo nasabat ng Navy, pulisya sa operasyon sa Sulu

3
0

MANILA, Philippines – Aabot sa halos P99 milyon halaga ng mga puslit na sigarilyo ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy at Philippine National Police sa magkahiwalay na operasyon sa Sulu.

Ayon sa Western Mindanao Naval Command (WMNC), nasabat noong Hunyo 18 ang dalawang sasakyang-pandagat na may kargang undocumented foreign-brand cigarettes na nagkakahalaga ng kabuuang P93.9 milyon.

Sa unang operasyon, naharang ng Naval Task Force 61 ang M/B Aslinda sa karagatan malapit sa Cabucan Island sa bayan ng Hadji Panglima Tahil, Sulu.

Natuklasan sa inspeksyon ang 305 master cases ng imported na sigarilyo. Nabigo ang mga tripulante na magpakita ng kaukulang dokumento para sa kargamento at sasakyang-dagat kaya agad itong kinumpiska.

Tinatayang nasa P47.58 milyon ang halaga ng nasabing kargamento at bangka.

Sa ikalawang operasyon, naharang naman ang M/V Babyboy sa karagatan malapit sa Marungas Island, Jolo.

Sa isinagawang Visit, Board, Search and Seizure (VBSS) operation, natuklasan ang 300 master cases ng undocumented cigarettes na itinago sa ilalim ng iba pang kargamento.

Tinatayang nagkakahalaga ng P46.31 milyon ang nasabing kontrabando at sasakyang-dagat.

Dinala ang dalawang barko, mga kargamento at mga nahuling tauhan sa Bureau of Customs-Port of Zamboanga para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.

Samantala, nakumpiska rin ng Police Regional Office-9 (PRO-9) ang karagdagang P4.99 milyong halaga ng puslit na sigarilyo sa Jolo noong Hunyo 16.

Sa isinagawang mobile patrol ng Jolo Municipal Police Station sa Barangay Tulay, natagpuan ang tatlong abandonadong sasakyan na may lamang 135 kahon ng kontrabandong sigarilyo.

Wala umanong lumutang upang magmay-ari ng mga sasakyan at kargamento.

Pinuri ni PRO-9 Acting Regional Director Brig. Gen. Dennis Esguerra ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon.

Aniya, mahalaga ang patuloy na pagbabantay at police visibility upang masawata ang smuggling at iba pang uri ng economic sabotage.

Tiniyak naman ng mga awtoridad na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa smuggling, ilegal na kalakalan at iba pang gawaing kriminal sa rehiyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here