MANILA, Philippines – Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na marami pang oportunidad ang maaaring mabuksan sa mas matibay na ugnayan sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Russia, lalo na sa mga umuusbong na sektor ng teknolohiya at enerhiya.
Sa panayam ng Russia Today matapos dumalo sa ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan, sinabi ni Marcos na bagama’t patuloy na umuunlad ang relasyon ng ASEAN at Russia sa nakalipas na tatlong dekada, hindi pa nito lubos na naaabot ang buong potensyal nito.
“In terms of ASEAN, it has steadily developed, but not at a particularly high rate,” ani Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo ang mga bagong larangan ng kooperasyon tulad ng advanced technology, artificial intelligence (AI), data centers at power generation, na aniya’y nag-aalok ng mas malawak na posibilidad para sa pagtutulungan ng ASEAN at Russia.
Ayon kay Marcos, marami sa mga sektor na ito ay hindi pa umiiral noong mga nakaraang taon kaya hindi pa ganap na napakikinabangan ng magkabilang panig.
“There is this potential that we really did not take full advantage of in the past,” dagdag niya.
Sinabi rin ng Pangulo na mabilis na umuunlad ang ASEAN sa pagpapalawak ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa at hindi na lamang nakasentro sa tradisyunal na mga alyansa.
“We are growing up fast. We are changing very much the outlook in terms of who we deal with around the world and what are the things that we can do together,” aniya.
Tinukoy ni Marcos ang kasalukuyang yugto ng relasyon ng ASEAN at Russia bilang isang “bagong panahon” na nakatuon sa mas malawak na dayalogo at kooperasyon sa agham, teknolohiya at iba pang makabagong industriya.
Ang ASEAN-Russia Commemorative Summit ay ginanap bilang paggunita sa mahigit 35 taon ng dialogue relations sa pagitan ng dalawang panig.
Kabilang sa mga mahahalagang dokumentong pinagtibay sa summit ang Kazan Declaration 2026, ASEAN-Russia Comprehensive Plan of Action 2026-2030, at iba pang kasunduan para sa mas malalim na kooperasyon sa larangan ng kultura at enerhiya.
Layunin ng mga ito na higit pang mapalakas ang pakikipagtulungan at makapaghatid ng konkretong benepisyo sa mamamayan ng ASEAN at Russia sa mga susunod na taon. RNT/JGC