MANILA, Philippines – Limang pamantasan ng pamahalaan ang nakapasa sa pagsusuri ng Commission on Higher Education (Ched) upang makapagbigay ng kursong medisina sa deserving students sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Joel Villanueva, principal sponsor ng Doktor Para sa Bayan Act, ang pagtatatag ng dagdag na medical schools na magkakaroon ang maraming komunidad ng doktor at de-kalidad na alagang pangkalusugan sa pagkakaroon ng limang pamantasan na makapaghahandog ng kursong medisina.
Aniya, palalakasin din nito ang pagpapatupad ng Republic Act 11509 o Doktor Para sa Bayan Law, na kanyang iniakda noong 2020 upang matulungang matugunan ang hindi pagkakapantay-pantay sa kalusugan.
“This is a win for our youth aspiring to become doctors, for local communities, and for every Filipino who deserves quality healthcare,” ani Villanueva.
Nauna nang inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang Doctor of Medicine Programs ng limang state universities sa buong bansa simula Academic Year 2026–2027.
“With these five new approvals, the number of SUC medical schools has grown from 25 to 30, completing our goal of establishing a medical program in every region of the country,” sabi ni Villanueva, chairperson ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education.
Ang limang state universities na pumasa sa CHED evaluation at nabigyan ng go-signal na magkaroon ng medical program ay ang mga sumusunod:
* Visayas State University (VSU) – Region VIII
* Eastern Samar State University (ESSU) – Region VIII
* University of Eastern Philippines (UEP) – Region VIII
* Benguet State University (BSU) – Cordillera Administrative Region (CAR)
* Cotabato State University – Cotabato Regional Medical Center School of Medicine (CCSU-CRMC) – Region XII
Ayon kay Villanueva, ang bagong medical programs ay magpapalakas sa Doktor Para sa Bayan (DPSB) Law sa pamamagitan ng pagpapalawak ng oportunidad sa edukasyong medikal sa mga rehiyon at pagtulong na matugunan ang matagal nang kakulangan at hindi pantay na distribusyon ng mga doktor sa buong bansa.
Para sa 2026, isinulong ni Villanueva na pondohan ng P1.095 bilyon ang DPSB Law sa ilalim ng General Appropriations Act.
Ito ang nag-iisang pinakamataas na badyet na natanggap ng programa mula nang maging batas ito noong 2021.
“This is not merely an investment in education — it is an investment in lives,” sabi ni Villanueva.
“Every doctor we train means countless patients who will receive timely and quality medical care,” aniya. Ernie Reyes