MANILA, Philippines – Nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malaking potensyal ng Pilipinas na maging regional logistics hub sa Asya dahil sa estratehikong lokasyon nito at patuloy na pagpapabuti ng konektibidad at investment climate ng bansa.
Sa panayam ng Russia Today habang nasa working visit sa Kazan, Russia, sinabi ni Marcos na nasa sentro ang Pilipinas ng mga pangunahing kabisera sa Asya kaya mainam itong maging transshipment at distribution point ng kalakalan sa rehiyon.
Ayon sa Pangulo, apat na oras o mas maikli lamang ang biyahe mula Maynila patungo sa karamihan ng mga pangunahing lungsod sa Asya, na nagbibigay ng malaking bentahe sa bansa.
Bahagi aniya ito ng economic planning ng pamahalaan upang lubos na mapakinabangan ang lokasyon ng Pilipinas.
Binanggit din ni Marcos na nagsagawa ang gobyerno ng mga reporma sa tax structure, investment incentives at mga regulasyon upang mas makahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan.
Aniya, nagbubunga na ang mga hakbang na ito dahil dumarami ang interes ng mga non-traditional partners, kabilang ang Russia, bukod pa sa mga matagal nang trading partners gaya ng United States, Japan at mga bansa sa Europe.
Sinabi pa ng Pangulo na ang pagiging logistics hub ng Pilipinas ay makatutulong sa pagpapalakas ng regional supply chains sa loob ng ASEAN at sa mas malawak na Indo-Pacific region. RNT/JGC