MANILA, Philippines – Gustong bawasan ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang kapangyarihan ng Food and Drugs Administration (FDA) sa pamamagitan ng paglilipat ng ilang regulatory powers nito sa ibang ahensiya ng pamahalaan upang mapabilis ang approval process sa mas episyente at mabilis na business compliance.
Sa pahayag, sinabi ni Escudero na masyadong malawak ang tungkulin ng FDA na nagresulta sa patong-patong at pagkaantala kaya nanawagan na ipamahagi ang kapangyarihan njtio upang matutunan ng ahensiya ang regulasyon sa mas episyente at epektibo sa maikling panahon.
“Sa tingin ko ay masyadong malawak ang kasalukuyang mandato ng FDA ngayon na nagiging dahilan para bumagal at maging kumplikado ang proseso. Mas mainam na ilipat sa tamang ahensya ang ilang mga responsibilidad nito para sa mas mabilis at malinaw ang regulasyon,” giit ni Escudero.
Nakatakda sa panukala ni Escudero na ibibigay ang pangunahing tungkulin nito sa ibang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan. Halimbawa, aniya, ililipat ang regulasyon ng sariwang pagkain sa Department of Agriculture (DA), processed foods at costmetics sa Department of Trade and Industry (DTI) at gamot at medisina sa Department of Health (DOH).
“Kung pagkain, sa DA. Kung processed food o cosmetics, sa DTI natin ilagay. Kung gamot naman, sa DOH. Hindi dapat lahat nasa FDA,” ani Escudero.
Naniniwala si Escudero na mapapadali sa redistribution ng kapangyarihan ang tungkulin ng gobyerno at mabawasan ang nagkakapatong-patong na mandato.
“Ang FDA ay naging catch all agency sa mahabang panahon. I think, it is about time that we fix this and move some of its functions to the right departments or offices,” aniya.
Layunin ng panukala, ayon sa Bicolanong senador, na paluwagin ang pagtupad ng negosyo habang pinoprotektahan ang consumer na mananatiling nakatakda sa ahensiya sa pagsasabing: “Hindi natin tinatanggal ang regulasyon. Ang ginagawa natin ay inililipat sa mas angkop na ahensya.”
Iniulat ng Anti-Red Tape Authority or ARTA na tumanggap ang FDA ng ;pinakamaraming reklamo sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan partikular ang nagkabuhol-buhol na evaluation process.
Inirereklamo ng negosyante na kapag tumagal ang pag-aapruba sa kanilang produkto at masyadong masalimuot ang proseso sa regulasyon, nagiging hadlang ito sa pagpasok sa merkado. Ernie Reyes