MANILA, Philippines – Tatlong indibidwal ang nasugatan matapos sumiklab ang sunog sa isang restaurant sa Lipa City, Batangas noong Sabado, Hunyo 20.
Sa report na inilabas nitong Linggo, sinabi ng Police Regional Office 4A na ang sunog ay sumiklab sa Darwin’s Lomi House sa Barangay Talisay pasado alas-12 ng madaling araw dahilan para magtamo ng burn injuries ang tatlong helper na kinilalang sina “Gary,” “Zaira,” at “Celofe.”
Inihahanda ng mga biktima ang mga rekado at suplay sa operasyon ng restaurant nang mangyari ang insidente.
Batay sa mga imbestigador, pinalitan umano ni Gary ang liquefied petroleum gas (LPG) cylinder na konektado sa cooking area.
Habang inilalagay ang tangke ay inadjust ang regulator na nagresulta sa hindi natukoy na gas leak.
Naipon ang nag-leak na LPG vapor sa lugar at lumiyab sa nagpapatuloy na pagluluto dahilan para magkasunog at masaktan ang tatlong empleyado.
Agad na itinakbo ng mga rumesponde sa ospital ang mga biktima.
Naapula naman ang sunog bandang ala-1 ng madaling araw.
Inaalam pa ang halaga ng pinsala sa nangyaring sunog. RNT/JGC